Ecowaste

Publiko hinimok ayusin pagtapon ng basura, mag-recycle

Cory Martinez Aug 24, 2024
81 Views

NANAWAGAN ang EcoWaste Coalition sa publiko na ayusin ang pagtatapon ng basura para hindi pamahayan ng mga lamok na nagdadala ng dengue.

Nanawagan ang grupo sa gitna ng pagtaas ng kaso ng dengue. Base sa talaan, umaabot na sa 400 ang namatay sa dengue sa taong ito.

Hiniling ng grupo sa may 42,000 na barangay sa bansa na manguna sa pagpapakilos sa kanilang mga nasasakupan na tumupad sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Sa ilalim ng RA 9003, mandatory ang paghihiwalay ng mga basura upang maaari pang gamitin ang mga ito; i-recycle at i-compost upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko at kapaligiran.

Ipinagbabawal din ng batas ang pagtatapon at pagkakalat ng mga basura sa mga pampublikong lugar.

“We appeal to the general public to mind their trash and avoid the reckless disposal of discards, which can collect water and serve as breeding sites for dengue-causing mosquitoes,” ani Ochie Tolentino, Zero Waste campaigner ng grupo.

Ayon pa kay Tolentino, kadalasang pinamumugaran ng lamok, lalo na ng mga Aedes aegypti, ang mga plastic bag, bote at plastic cup, bottle cap, lata, sirang appliance, mga gamit na gulong at iba pang bagay na maaaring pasukan ng tubig lalo na kapag umuulan.

“We request all the Barangay Councils and Barangay Ecological Solid Waste Management Committees to take the lead in educating and mobilizing their constituents about the eco-friendly and healthy way of managing discards to prevent dengue and other diseases,” dagdag pa ni Tolentino.

Upang maging ligtas ang bawat barangay sa dengue, inirekomenda ng grupo na palagiang ihiwalay ang mga basura at panatilihing tuyo at malinis ang mga non-biodegradable na basura, maglinis ng paligid lalo na yung may nakaimbak na tubig na maaaring pangitlugan ng mga lamok, linisin ang mga alulod at iwasang gamitin na pabigat sa bubong ng bahay ang mga gamit na gulong.

Pinaalalahanan din ng grupo ang publiko na iwasan gumamit ng hindi rehistradong anti-mosquito product katulad ng katol at insecticide dahil banta ang mga ito sa kalusugan at kapaligiran.