BBM

Publiko imbitado sa ‘Konsyerto sa Palasyo’

167 Views

IMBITADO ang pubiko sa kauna-unahang ‘Konsyerto sa Palasyo’ sa Abril 22.

Sa inilabas na pahayag ng Malacañang, sinabi nito na samu’t saring pagtatanghal ang matutunghayan mula sa mga performer na tubong Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Metro Manila at Davao.

Tinaguriang ‘Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting’ ang gaganapin sa ika-22 ng Abril bilang pagkilala sa sakripisyo ng Sandatahang Lakas para panatilihin ang kasarinlan, kapayapaan at seguridad sa bansa.

Dadalo ang mga miyembro ng AFP mula sa main service branches nito, kasama ang kani-kanilang pamilya, bilang mga bisitang manonood sa gabi ng programa.

Ang KSP ay inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ang KSP ay serye umano ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo ng Malakanyang na magtatampok sa pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay halaga sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino sa performing arts.

Naniniwala ang Pangulo na hindi dapat maiwanan ang creative industry habang muling umaarangkada ang ekonomiya ng bansa.

Ang konsyerto ay mapapanood din sa Facebook ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page.

Ang naturang programa ay hatid ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang (PBS-RTVM).

Ia-anunsyo ng Malacañang ang listahan ng performers sa mga darating na araw.