Rizal Photo: Courtesy of SPD PIO

Pulis Rizal na marahas na inaresto lolo sibak sa pwesto

Edd Reyes Jun 3, 2026
87 Views

SINIBAK na sa puwesto ni Rizal Police Provincial Office Director P/Col. Eleazar Barber, Jr. ang isa niyang tauhan na nasangkot sa road rage incident matapos mag-viral sa social media ang marahas niyang pag-aresto sa 76-anyos na senior citizen na nakasagi ng kanyang minamanehong sasakyan sa Taguig City.

Inihayag ng opisyal ang pagsibak sa puwesto ng kanyang tauhan upang bigyang-daan ang malayang imbestigasyon kaugnay sa naganap na insidente sa kanto ng MLQ Avenue at Mauling Creek, Brgy. Bagumbayan, Taguig City, kung saan nakita sa video ang puwersahang paglalagay ng posas ng pulis sa matandang driver ng Barangay Lower Bicutan bago tuluyang isinakay sa kanyang sasakyan.

Nauna rito’y inatasan na ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang Taguig City Police Station na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang kumpletong katotohanan sa pangyayari, kabilang ang pagkalap ng ebidensiya, CCTV footage, mga saksi sa insidente, at iba pang dokumentong may kinalaman sa pangyayari.

Bagama’t nauwi rin sa aregluhan ang magkabilang panig matapos silang magtungo sa police station at nagkasundo na hindi na maghahain ng reklamo sa isa’t-isa, inihayag ni BGen. Cinco na hindi nila palalagpasin ang insidente, lalu’t nagdulot ito ng takot at pagkabahala sa mga nakasaksi at nakapanood sa viral video, kung saan nakitang humihingal sa pagod ang matanda habang pilit na iwinawaksi ang kamay para hindi maposasan ng pulis.

Binigyang-diin pa ng opisyal na lahat ng tauhan ng pulisya ay inaasahan na dapat panatilihin ang propesyonalismo, pagpipigil, at paggalang sa karapatan at dignidat ng lahat ng indibiduwal sa lahat ng oras.

Kaugnay nito, inihayag ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson at Executive Officer (VCEO) Atty. Rafael Vicente Calinisan na ipatatawag niya ang nasabing pulis upang pagpaliwanagin sa nangyaring insidente.