Calendar
‘Yaya’ na napatay ang alaga sinampahan na ng kasong murder
SINAMPAHAN na ng kasong murder ang isang 26-anyos na caregiver matapos amining siya ang pumatay sa 11-buwang gulang na sanggol na kanyang inaalagaan sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, sobrang stressed umano ang idinahilan ng suspek kung bakit niya nagawa ang karumal-dumal na krimen laban sa musmos.
Nabatid na bukod sa nasawing sanggol ay may tatlo pang batang nasa pangangalaga ng suspek. Kabilang dito ang kanyang sariling mga anak na tatlo at isang taong gulang, gayundin ang limang taong gulang na kapatid ng biktima.
Dahil dito, isa sa mga anggulong sinisilip ng mga imbestigador ay kung posibleng nakararanas ang suspek ng postpartum depression. Ito ay isang uri ng matinding depresyon na maaaring maranasan ng isang babae matapos manganak dulot ng hormonal changes, matinding pagod, stress, at iba pang salik.
Batay sa imbestigasyon, noong Mayo 29 ay paulit-ulit umanong inuntog ng suspek ang ulo ng sanggol sa sahig hanggang sa mangisay ito at tuluyang mawalan ng buhay.
Matapos ang insidente, isinilid umano niya ang bangkay ng bata sa isang sako at itinago sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya sa Barangay Pasong Putik Proper.
Sa kanyang salaysay, inamin ng suspek na dati na rin niyang sinasaktan ang sanggol. Noong araw ng insidente, muli umano niya itong inuntog at nang kanyang buhatin ay nangingisay na ang bata hanggang sa tuluyang mawalan ng buhay.
Upang iligaw ang imbestigasyon, nagtungo pa ang suspek sa Police Station 16 at iniulat na dinukot umano ng dalawang lalaki ang sanggol.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng malawakang imbestigasyon ang mga awtoridad. Gayunman, nabunyag sa pagsusuri ng mga CCTV footage na walang naganap na pagdukot.
Kalaunan ay binago pa ng suspek ang kanyang pahayag at itinuro ang limang taong gulang na kapatid ng biktima bilang responsable sa pananakit sa sanggol.
Ngunit sa masusing interogasyon ng pulisya, tuluyan ding bumigay ang suspek at inaming siya mismo ang pumatay sa bata, dahilan upang sampahan siya ng kasong murder.

