Rodriguez

Pulse Asia Survey: Bongbong, Sara suportado ng mga mahihirap na Pinoy

300 Views

PINAPAKITA ng pinakahuling pre-election survey ng Pulse Asia na suportado ng karamihan ng mahihirap na Pilipino ang panawagan ng UniTeam na magkaisa.

Lumalabas sa isinagawang Enero 2022 Pulso ng Bayan pre-election survey na nakakuha ng 60% voter preference si Presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Kapansin-pansin na tumaas ito ng 7% mula sa 53% nito lamang Disyembre 2021.

Ginawa ang fieldwork para sa nasabing survey nitong Enero 19 hanggang 24, 2022 gamit ang face-to-face interviews at nilahukan ng 2,400 respondents.

Nakita sa resulta ng survey na tanggap at sinusuportahan ng ating mga kababayan na kabilang sa CDE economic classes ang panawagan ng UniTeam na magkaisa.

Bumuhos ang suporta kay Marcos mula sa mga botante na kabilang sa Class C kung saan nakapagtala siya ng 50% voter preference.

Sa mga Class D voters naman, nakuha ni Marcos ang 61%, mataas ng 7% mula sa 54% nitong Disyembre 2021. Samantala, nakakuha naman siya ng 56% sa mga Class E voters, na umakyat rin ng 7% mula sa 49% nitong Disyembre ng nakaraang taon.

Ang kanyang running-mate na si Vice-Presidential candidate Inday Sara Duterte ay rumehistro ng 53% voter preference sa mga Class C voters.

Umakyat rin ang mga numero ni Sara sa mga Class D voters matapos niyang magtala ng 49%, higit na mas mataas sa 44% noong nakaraang taon. Maging sa mga Class E voters ay gumanda rin ang numero ni Sara sa 55%, mas mataas sa 48% na nakuha niya nitong Disyembre 2021.

Obserbasyon ng ilang nagmamasid sa larangan ng pulitika, tila hindi na mapipigilan ang pag-arangkada ng dalawa sa paparating na eleksiyon. Lalo pa’t tila paakyat pa ang numero ng UniTeam sa mga surveys.

Sa isang rally nitong Lunes sa Quezon City, sinabi ni Marcos na ang kanyang panawagan ay isa nang kilusan at tinawag niya itong ‘Kilusan ng Pagkakaisa’ at hinimok ang lahat na sumama.

“Ito ang ating panalangin, ito ang ating pangarap, ito ang ating layunin para sa ating bansa — itong pagkakaisa. ‘Pag ito’y nagawa natin, ‘pag ito’y napagpatuloy natin ang kilusan ng pagkakaisa, ay papasikatin natin muli ang Pilipinas, papagandahin na naman natin ang Pilipinas at haharap tayo sa boung mundo,” wika ni Marcos.

Sa isang opisyal na pahayag, nagpasalamat ang tagapagsalita at chief-of-staff ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez sa sambayanang Pilipino sa kanilang walang-patid na suporta kay Marcos. Dagdag pa niya, nananatiling mapagkumbaba ang buong UniTeam sa kabila ng magandang resulta ng mga surveys.

“Numbers don’t lie and it is humbling to know that our message for national unity is resonating among the overwhelming majority of the Filipino people,” ayon kay Atty. Rodriguez.

“Indeed, we are gladdened to know that Filipinos are now ready to unite as a people, a signal that the Philippines is geared to claim her greatness once again,” dagdag pa ni Atty. Rodriguez.

Ayon sa isang panayam sa CNN Philippines nitong Martes, sinabi ni Pulse Asia Research Director Ana Maria Tabunda na isa sa posibleng paliwanag ng magandang numero ni Marcos ay dahil nakabawas siya sa mga botante ng ibang kandidato.

“Well, I guess he got some of Leni Robredo’s votes and possibly some of the votes from the other candidates,” Tabunda said.

Kinumpirma rin ni Pulse Asia President Ronald Holmes na ang 60% voter preference ni Marcos ang pinakamataas na kanilang natala sa isang Presidential candidate sa buong kasaysayan ng kanilang polling firm.

“In Pulse Asia since we started tracking pre-election preferences for the Presidential race, yes this is the highest,” ayon kay Holmes sa kanyang panayam sa ANC.

Tila nagiging maganda ang takbo ng kandidatura ni Marcos simula sa libo-libong supporters na sumasali sa kanyang caravan hanggang sa proclamation rally ng BBM- UniTeam sa Philippine Arena na dinaluhan ng 30,000 na katao at pinanood ng mahigit isang milyong supporters online.

May ilang political expert na ang nagsasabi na ang proclamation rally ng UniTeam ang may pinaka-maraming dumalo sa kasaysayan.