Belmonte

QC, DMW may partnership para protektahan OFWs

Mar Rodriguez Mar 29, 2023
160 Views

INIHAYAG ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte na nagkaroon ng partnership sa pagitan ng QC government at ang bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) na naglalayong maprotektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang na ang kanilang pamilya.

Kaugnay nito, pinangunahan nina Mayor Belmonte at DMW Secretary Susan “Toots” Ople ang “ceremonial signing” ng Memorandum of Agreement (MOA) upang maisulong ang mga pangunahing programa sa QC na magbibigay ng proteksiyon para sa napakaraming Pilipinong manggagawa o OFW’s.

Sa ilalim ng partnership ng QC government at DMW sa pamamagitan ng QC Public Employment Service Office, lalo pang pagtitibayin at pag-iibayuhin ang pangangalaga at promotion sa karapatan ng mga OFW’s partikular na ang mga kababaihan at ng kanilang pamilya sa QC.

Tiniyak din ni Belmonte sa mga OFWs na residente ng lungsod na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng QC ang pagpapatibay ng partnership nto sa DMW para tiyakin na makakamit ng mga OFW’s o migrant workers ang benepisyong nararapat para sa kanila.

“Kami ay tunay na makikipagtulungan upang protektahan ang kalagayan ng mga OFW’s. sisiguraduhin naming na lagi kayong ligtas at mapupunuan ang inyong mga pangangailangan,” sabi ni Belmonte.

Ikinagalak ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang naging pagkilos at hakbang ng QC government para protektahan ang kagalingan o welfare ng mga OFW’s partikular na ang mga migrant workers na naninirahan sa Lunsod.

Sinabi ni Magsino na malaking tulong ang naging hakbang ng QC Government sapagkat napakahalaga ng kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng proteksiyon para sa mga OFW’s.