House Quad QUAD COMM – Ipinahayag ni House Quad Committee lead chair Rep. Robert Ace Barbers (kanan) ang pagkadismaya sa malawakang troll campaign na sinasabing pinondohan ng mga sindikato ng droga at mga Philippine offshore gaming operator (POGO) para pigilan ang kanilang imbestigasyon. Kasama niya sina (mula sa kaliwa) Rep. Romeo Acop, Rep. Benny Abante at Rep. Dan Fernandez. Kuha ni VER NOVENO

Quad Comm chair binatikos well-funded troll campaign

51 Views

Na suportado ng drug syndicates, POGOs para pigilan imbestigasyon ng komite 

BINATIKOS ng pinuno ng House quad committee nitong Miyerkules ang umano’y malawakang troll campaign na sinasabing pinondohan ng mga iligal na sindikato ng droga at mga Philippine offshore gaming operator (POGO) para pigilan ang kanilang imbestigasyon.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang kampanyang ito ay may layuning sirain ang kredibilidad ng mega-panel at takutin ang mga testigo na nagbunyag ng koneksyon sa pagitan ng iligal na droga, korapsyon at mga POGO.

“Patuloy ang paninira ng mga trolls na bayad ng POGO at drug money sa mga miyembro at mga taong tumetestigo rito,” ani Barbers sa kanyang opening statement sa ika-12 pagdinig ng komite.

“Katakataka na napakalaki ng puhunan na umiikot sa mga trolls na halatang inaalagaan ng mga nasasaktan sa mga bagay na nauungkat sa mga pagdinig natin dito, kabilang na marahil ang mga malalaking pangalan na nagpoprotekta sa mga iligal na droga at POGO,” dagdag niya.

Bilang pinuno rin ng House committee on dangerous drugs, ipinahayag ni Barbers ang pagkadismaya sa mga tangkang sirain ang reputasyon ng quad comm na aniya’y nakatuon lamang sa paghahanap ng katotohanan.

“Pilit pong sinisira ang imahe ng ating Quad Comm na walang ibang layunin kundi ipalabas lamang ang katotohanan,” sabi niya. “Kung kaya hinihikayat namin ang ating mga kababayan na humarap, magsalita, at magbigay ng kanilang impormasyon na may kinalaman sa usaping tinatalakay namin dito.”

Nadiskubre ng quad comm ang ebidensyang nag-uugnay sa kalakalan ng iligal na droga sa operasyon ng mga POGO, kabilang ang paggamit ng drug money sa negosyo ng online gaming.

Ibinahagi ni Barbers ang mga naunang testimonya na nagdiin sa ilang mataas na opisyal na sangkot sa pagpupuslit ng malaking volume ng iligal na droga sa mga daungan ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, ang kita mula sa drug trade ay ginagamit upang suhulan ang mga opisyal ng gobyerno, bumili ng lupa, at magbigay ng proteksyon at pekeng pagkakakilanlan sa mga banyagang kasangkot sa operasyon.

“The money flow from this drug trade is being used to acquire landholdings, influence and corrupt government officials and employees who conspire with drug traders in offering protection and fake identities, that undermine the security of our country,” saad ni Barbers.

“We were shown how the money was being laundered into the POGOs and used to fatten the wallets and pockets of the protectors in government,” wika pa niya.

Nakapagpasa rin ang komite ng ilang legislative measures upang tugunan ang mga sistematikong kahinaan na nalantad sa imbestigasyon. Kabilang dito ang panukalang i-cancel ang mga pekeng birth registration ng mga dayuhan, kumpiskahin ang mga lupang ilegal na nakuha ng mga hindi Pilipino, at isang nationwide ban sa POGOs.

Binigyang-diin ni Barbers na mahalaga ang mga hakbang na ito upang wasakin ang mga network ng korapsyon at krimen na nabunyag sa mga pagdinig.

Sa kabila ng mga pagsisikap na ito, sinabi ni Barbers na patuloy na kinakaharap ng komite ang matinding oposisyon mula sa mga nasasangkot. Inakusahan niya ang mga troll bilang kasangkapan ng makapangyarihang indibidwal para hadlangan ang kanilang trabaho.

“Napakarami na pong nakita at nadiskubre dito sa Quad Comm hearings. Sa kabila nito, pilit itong binabatikos at minamaliit ng mga natatamaan,” aniya.

Tiniyak naman ni Barbers sa publiko na magpapatuloy ang quad comm sa kanilang misyon sa kabila ng mga pagsubok na sirain ito.

“Subalit nais naming kayong garantyahan na habang kami ay pinipilit na sirain, kami po ay hindi titigil sa pag-ungkat ng mga bagay upang makita at maisiwalat ang buong katotohanan,” pahayag niya.

Ang quad comm, na binuo sa pamamagitan ng isang resolusyong inakda ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ay naging mahalagang instrumento sa pagbubunyag ng koneksyon ng iligal na droga, POGOs at korapsyon.

Pinangako ni Barbers na ipagpapatuloy ang laban para sa hustisya at katotohanan.