Quiboloy

Quiboloy kinontempt, ipinaaaresto ng House panel

Mar Rodriguez Mar 12, 2024
131 Views

IKINONEMPT ng House Committee on Legislative Franchises ang kontrobersyal na televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy at ipinag-utos ang pag-aresto rito matapos na muling hindi sumipot sa pagdinig kaugnay ng prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Pero sa Biyernes pa ipatutupad ang pag-aresto kay Quiboloy upang bigyan ng panahon si Atty. Ferdinand Topacio na kausapin ang kanyang kliyente na pumunta sa Kamara de Representantes.

Naghain sina Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel at Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng magkahiwalay na mosyon upang i-cite for contempt at ipaaresto si Quiboloy.

Sinab ni Pimentel na malinaw na walang respeto si Quiboloy sa komite sa muli nitong hindi pagdalo sa pagdinig.

“The fact that he has not been appearing in these hearings, in this committee, just shows that he has no respect for this committee,” sabi ni Pimentel.

“It just shows that he acts like God, he acts with impunity, he takes this hearing for granted. Ipinagwawalang-bahala niya, importante po siya dito,” dagdag pa nito.

Namosyon naman ni Paduano na atasan ang House sergeant-at-arms na magpatuloy sa mga law enforcement agency upang dalhin si Quiboloy sa Kamara.

Inaprubahan ni Tambunting ang dalawang mosyon matapos na walang tumutol dito.

Hiniling naman ni Topacio na bigyan ito ng limang araw bago ipatupad ang contempt order para maka-usap ang kanyang kliyente pero binigyan lamang ito hanggang Biyernes.

Nagpalabas ng subpoena ang komite laban kay Quiboloy matapos na hindi ito dumalo sa mga pagdinig sa kabilang imbitasyon na ipinadala sa kanya.

Nais ng mga miyembro ng komite na matanong si Quiboloy kaugnay ng operasyon ng SMNI.

Ayon sa mga abugado ng SMNI, si Quiboloy ay isa lamang “honorary chairman” subalit may mga indikasyong nakita ang mga kongresista na siya ang “beneficial owner” ng network.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa mga paglabag umano ng SMNI sa termino ng prangkisa nito gaya ng pagpapakalat ng fake news, red-tagging at hindi pagsunod sa corporate rule.