Pastor Apollo Quiboloy

Quiboloy pinahaharap ni Hontiveros sa imbestigasyon ng Senado

205 Views

PERSONAL na pahaharapin ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga krimen na inaakusa sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ito ang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa kanyang sulat sa Department of Justice (DOJ) kung saan nito hiniling ang pagpapalabas ng immigration lookout bulletin order laban kay Quiboloy.

Sinabi ni Hontiveros na magsasagawa ng imbestigasyon sa Enero 23, 2024 ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na kanyang pinamumunuan.

“I am intending to set the hearing date on January 23, 2024, during which the committee will require the presence of Mr. Quiboloy,” ani Hontiveros sa sulat.

“In the interest of justice and due process, it is my strong desire to ensure that he will be physically present in the Senate for the hearing,” dagdag pa nito.

Kamakailan ay inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 884 para paimbestigahan ang mga malpractice na nagawa umano ni Quiboloy upang mapasunod ang kanyang mga mananampalataya.

Sinabi ni Hontiveros na mayroong mga dating miyembro ng KOJC na nagpahayag ng kanilang kahandaan na makipagtulungan at tumestigo sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng alegasyon ng human trafficking, panggagahasa, at sexual at physical abuse.

Tinuligsa ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros dahil sa ginagawa umano nitong trial by publicity at hinamon ito na magsampa na lamang ng kaso sa korte.

Sa inihaing resolusyon, sinabi ni Hontiveros na iprinisinta ni Quiboloy ang kanyang sarili bilang “Appointed Son of God” at pinapasunod umano ang mga full-time followers nito sa pamamagitan umano ng brainwashing, psychological manipulation, at pagbabanta ng eternal damnation.

Sinabi rin sa resolusyon na si Quiboloy ay mayroong isang grupo ng mga babae na tinawag nitong “pastorals” na mayroong mataas na posisyon sa kanilang organisasyon. Ang mga babaeng ito ay personal umanong nakikisalamuha kay Quiboloy.

Kasama umano sa mga trabaho ng mga babaeng ito ang paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, at pagmamasahe kay Quiboloy.

Ayon sa resolusyon mayroong mga miyembro ng pastoral na minor de edad pa ng pumasok at pinagbibigay ng sexual services.

Sinabi rin sa resolusyon na inutusan ni Quiboloy ang mga miyembro ng organisasyon, marami ay minor de edad na mamalimos sa kalsada, at manghingi ng pera sa mga hindi kakilala. Ang mga hindi umano nakakaabot sa quota ay nilalatigo at pinapahiya sa publiko.