Calendar
Reclassification ng forestland sa NV isinulong ni Cayton
ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph Cayton ang panukalang reclassification ng ilang forestland sa lalawigan upang maging alienable and disposable na maaaring magbukas ng pagkakataon para sa legal na pagpapatitulo ng lupa ng mga matagal ng naninirahan at nagsasaka rito.
Nakipagpulong si Cayton sa pamunuan ng Forest Management Bureau (FMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang talakayin at balangkasin ang panukalang reclassification.
Inilahad nina FMB Assistant Director Atty. Ray Thomas Kabigting, Forester Michael Baldonado at Lorenza Ruiz ang kanilang technical assessment, kabilang ang resulta ng Forest Land Boundary Delineation (FLBD) para sa Nueva Vizcaya.
Saklaw ng pagsusuri ang mga natukoy na lugar sa Bambang, Diadi at Kasibu.
Ayon kay Cayton, ilang dekada ng naninirahan, nagsasaka at bumubuhay ng pamilya ang maraming residente sa mga lugar na sakop ng panukala.
Dahil nananatiling classified bilang forestland ang kanilang mga lupang tinitirhan at sinasaka sa opisyal na mapa ng pamahalaan, nahaharap sila sa mga limitasyon sa pagkuha ng legal na titulo.
Sinabi ng kongresista na hindi rin umano nila magamit nang lubos ang kanilang mga ari-arian bilang kolateral para sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng reclassification, layunin ding mabigyan ng legal na batayan ang mga lokal na pamahalaan upang maayos na maisama ang mga ari-ariang ito sa real property tax assessment.
Binigyang-diin ni Cayton na ang hakbang ay bahagi ng pagsisikap na maisulong ang matagal nang hinihiling na reclassification ng mga lupain sa Nueva Vizcaya.
Kapag naisakatuparan, inaasahang magbubukas ito ng pagkakataon sa legal na pagpapatitulo ng lupa na maaaring magbigay ng higit na seguridad sa mga pamilyang matagal nang naninirahan at naghahanapbuhay sa mga naturang lugar.
Inaasahan ding makatutulong ang hakbang sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at pagbibigay ng mas matatag na pundasyon sa kabuhayan ng mga residente.

