zooom

Regalado, nanawagan ng suporta sa POC

260 Views

PARA saan ang Athletes Commission ng Philippine Olympic Committee (POC)?

Para kay 2018 Asian Games pencak silat bronze medalist at community worker Cherry May Regalado tila bulag, pipi at bingi ang naturang Commission hingil sa mga hinaing ng mga tulad niyang atleta na walang lakas para supilin ang makapangyarihang asosasyon na kinabibilangan.

“Until now, wala naman pong tumatawag sa amin at nagtatanong kung ano ba talaga ang kalagayan namin. Matagal na namin ipinarating yung aming mga hinaing at sumbong pero walang aksyon at hanggang ngayon malapit na ang SEA Games hindi pa rin nabibigyan ng kasagutan ang aming mga tanong,” pahayag ni Regalado sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.

Ikinalulungkot ni Regalado ang kawalang aksyon ng Athletes Commission, maging ng POC upang tugunan ang mga reklamo nila sa liderato ng Pencak Silat Federation na pinamumunuan ni Princess Kiram.

Kabilang sa hinaing nila batay sa sulat na ipinadala sa POC, at Athletes Commission ay pagalis sa kanya at ilang kasamahan sa National Team, gayundin sa kanilang coach na si Alex Patano.

Ayon kay Regalado, isa ring Beauty Queen matapos tanghaling 2021 Ms. Aklan, naghihinayang siya sa mga ginastos ng pamahalaan sa kanilang pagsasanay, kompetisyon sa abroad at pagkakaroon ng foreign coach dahil hindi nila mapalitan ng tagumpay dahlia sa hindi makatwirang pagtanggal sa National Team.

“Since nagwagi ako ng bronze medal sa Jakarta Asian Games, consistent ang participation namin sa abroad, itong huli sa Korea, although I finished 4th. Preparado na ako para sa 2019 Sea Games sa Manila but two days before the opening day, nalaman ko wala na ako sa team. Ni hindi man lang ako nasabihan ng aming NSA, yun ang masakit,” pahayag ni Regalado, ang No.1 artistic pencak silat athlete sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board, at PAGCOR.

“Kahit mahirap tanggapin okey lang sabi ko babawi nalang sa susunod na tournament, kaya tuloy lang ako sa training, sinusunod ko yung ibinigay na programa para kahit sa bahay training lang, then sa bubble training hindi na ako isinama. And last April of 2020, nahinto na yung allowances from the PSC yun pala wala na akong sa listahan, inalis na ako. Wala namang ibinigayna dahilan, ganoon lang ba yun, nagsakripsiyo rin naman ako pati si coach kaya deserving naman namin malaman ano ang dahilan,” ayon kay Regalado.

Aniya, nakapagtataka na kaagad na nakapagdesisyon ang POC at nakibahagi ang Athletes Commission na binubuo nina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at triathlete Nico Huelgas sa isyu ni Olympian pole vaulter EJ Obiena at agad na nabigyan ng ‘persona non grata’ ang lider ng PATAFA, ngunit ang isyu nila na mahigit isang taon na ay nakabinbin lamang.

Sa pakikipag-usap sa PSC, naunawaan ni Regalado ang katayuan ng ahensiya at nakaantabay lamang umano sa resulta sa anumang imbestigasyon na gagawin ng POC at NSA.

“Hindi namin alam kung kanino pa tatakbo. Kaya ko pang maglaro. Handa pa akong bigyan ng karangalan ang Pilipinas. Pero kung ayaw na ng asosasyon namin, sana naman irespeto kami at bigyan ng dahilan kung bakit kailangan na kaming tanggalin sa team,” sambit ng 25-anyos na si Regalado.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang atensyon ni Regalado sa pagsasanay at paglilingkod sa komunidad kung saan kabilang siya sa mga trainors na nagsasagawa ng pagtuturo at kasanayan sa mga batang atleta sa mga barangay.

Bukod sa pagiging beauty queen, isang pilantropo si Regalado na inilaan ang perang napagwagihan sa mga patimpalak at insentibo bilang atleta sa kawang-gawa.

“Yung unang incentives ko sa Asian Games ibinili ko ng mat at sports equipment sa eskwelahan ko at sa iba pang komunidad sa Aklan,” sambit ni Regaldo. Ni Edwin Rollon