Rehab ng NLex, SCTex target matapos sa Setyembre

Christian Supnad Aug 20, 2024
91 Views

TARGET matapos ang rehabilitasyon ng North Luzon Expressway (NLEx) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) sa Setyembre 2024.

Bahagi ng rehab ang pagsasaayos sa mga kalsada, tulay at mga exit at entry points sa dalawang expressways, ayon kay NLEx Corp. President Luigi Bautista.

Saklaw din ng rehab sa bahagi ng Bulacan sa NLEx ang Mabiga sa Plaridel, Tabang toll plaza sa Guiguinto, sa southbound lane mula sa Tabang spur exit ramp hanggang sa barangay Burol II sa Balagtas at mga entry at exit ramps sa Bocaue toll plaza.

Prayoridad naman sa bahagi ng Pampanga sa NLEx ang pagkukumpleto na maitaas ang lebel ng kalsada sa Tulaoc sa San Simon.

Samantala, inaayos ang mga kalsada sa SCTEx spur ramp o ang dugtungan nito mula sa NLEx at gayundin ang mula sa SCTEx pabalik sa NLEx.

Sa direksyon patungong Subic, kasamang inaayos sa SCTEx ang bahagi ng Manuali sa Porac, Pampanga.

Para naman sa patungong Tarlac, under rehab din ang mga bahagi ng Old San Jose, San Ramon at Pagalanggang sa Dinalupihan, Bataan; Dampe sa Floridablanca, Pampanga; at Margot sa Angeles City.

Kasama rin sa rehab ang pagpapanatiling maganda sa kalidad ng aspalto sa magkabilang lane ng North Harbor Link ng NLEx.

Partikular na pinapangasiwaan ng NLEx Corp. sa pagsasaayos ang asphalt patching o pagsisiksik ng aspalto sa mga butas na bahagi, rotomilling o pagsusuyod sa mga gastado ng aspalto at ang asphalt overlaying o ang paglalatag ng bagong aspalto na magsisilbing road surface.