Calendar
Remulla kumpiyansa na wala nang POGO sa PH sa 2025
KUMPIYANSA si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na wala ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang bansa pagsapit ng 2025.
Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo na ititigil na ang oeprasyon ng POGO pagsapit ng Disyembre 2024.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Remulla na pinoproseso na ngayon ang pagpapasara sa mga natiirang POGO.
Gayunman, aminado si Remulla na tiyak na magsusulputan ang mga illegal na operasyon ng POGO.
“Ganito iyan, two parts iyan: all licenses are cancelled – so POGO-free tayo; guerilla operations will flourish but we will go after them,” pahayag ni Remulla sa tanong kung magiging POGO-free na ang PIlipinas sa 2025.
Sinabi naman ni Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman Alejandro Tengco na sa 60 lisensyadong POGO, pito na lamang ang hindi pa naipasasara.
“Wala naman pong pasaway sa ating mga licensees. Sila po ay cooperating both with PAGCOR and the Bureau of Immigration and also DOLE [Department of Labor and Employment],” pahayag ni Tengco.
Sinabi naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOOC) Executive Director Gilbert Cruz na tiyak na gagawa ng underground operations ang mga dating POGO workers.
“Those who will dare to operate ng January, huhulihin na ‘yan,” pahayag ni Cruz.
Pinulong ni Pangulong Marcos sina Remulla, Tengco, at Cruz sa Palasyo ng Malakanyang para alamin ang kalagayan ng pagpapasara ng POGO sa bansa.
“Sa aming estima, madali silang mahanap, madali silang pigilin. According to the President’s instruction, we will make it very difficult for them until they say ‘it is not worth operating in the Philippines’,” pahayag ni Remulla.