Calendar
Rep. Acidre: Impeachment ni VP Sara ‘nakakahon, selyado’ na
“NAKAKAHON at selyado” na sa Kamara de Representantes ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos mabatid na 200 kongresista ang inaasahang boboto pabor sa pagpapatalsik sa pangalawang pangulo at tuluyang maipadala sa Senado.
Ito ang ipinahayag ni Tingog Party List Rep. Jude Acidre na hindi bababa sa 200 miyembro ng Kamara de Representantes o 2/3 ng kabuuang kongresista ang boboto pabor sa impeachment sa Mayo 11.
Batay sa “monitoring,” sinabi ni Acidre na sa tingin nila ay maaabot nila ang kinakailangang bilang ng mayorya upang tuluyan ng maipadala sa Senado ang reklamo para sa pagsisimula ng impeachment trial.
“Umaasa kami na ang resulta ay magiging kapantay o mas mataas pa kaysa sa nakaraang impeachment. Inaasahan naming aabot sa hindi bababa sa 200 o 215.
Iyon talaga ang target. Sa tingin ko ay maaabot natin ang kinakailangang bilang,” sabi ni Acidre.
Kumpiyansa si Acidre na wala ng makakahadlang pa sa pagpapadala ng impeachment case laban kay VP Sara sa Senado sapagkat naniniwala siya na hindi malayong lumapas pa sa 180 ang bilang ng mga kongresistang boboto pabor sa reklamo.
“Sa ngayon, masasabi kong kumpiyansa ako na lalampas ito sa 180,” sabi pa ni Acidre.
Ang naging batayan ng kumpiyansa ni Acidre ay ang clarificatory hearing na isinagawa ng House Committee on Justice kung saan aktuwal na iniharap at sinuri ang mga ebidensiya upang matukoy ang kanilang katotohanan at kung may probable cause.
“Dahil kung mapapansin ninyo, noong nakaraan, iba ang rutang tinatahak natin para maipasa ang impeachment complaint.
Pero ngayon, kumpleto tayo, may full session tayo, full committee hearing at mismong mga miyembro. Kahit hindi ka miyembro ng Komite, nandoon ka naman at nagmo-monitor,” dagdag pa niya.

