Calendar
Rep. Asistio: LTFRB fight vs ilegal terminals ayos
PINURI ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City Rep. Dean Asistio ang pagpapaigting ng operasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga illegal terminal ng mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni Asistio na kinakailangang panatilihin ang kaayusan at disiplina sa sistema ng transportasyon kabilang na dito ang pagkakaroon ng maayos na terminal para sa mga pampublikong sasakyan.
Ipinaliwanag ni Asistio na ang pananatili ng mga illegal terminal ng mga pampublikong sasakyan ay malaking banta at panganib sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II na hindi lamang sa mga gilid ng kalsada nakatutok ang kanilang kampanya kundi pati sa mga illegal terminal na matatagpuan sa mga mall at iba pang pribadong establisyemento.
Sinasang-ayunan naman ng kongresista ang ikakasang taktika ng LTFRB sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tinatawag na “mystery passengers” para tukuyin at maidokumento ang operasyon ng mga illegal na terminal.
Iminumungkahi ni Asistio na kailangan din na mas mapaigting ng LTFRB ang pakikipag-ugnayan nito sa iba’t-ibang local government units (LGUs) para mas mapalawak pa nila ang kanilang kampanya laban sa mga illegal terminal.
Samantala, pinangunahan ni Asistio ang pagtitipon ng mga kapitan ng District 3 upang talakayin at mapag-planuhan ang mga proyekto nito na makakatugon sa pangangailangan ng kanyang mga constituents.

