Rep Frasco

Rep. Frasco nagpatayo ng bagong police station sa Liloan City

Mar Rodriguez Sep 8, 2023
307 Views

Rep Francisco TINUPAD ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang pangako nito na magkaroon ng bagong Police Station sa Barangay Tayud, Liloan City para mapanatili dito ang peace and order na inilipat naman sa pangangasiwa ng Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Frasco na tinupad lamang nito ang kaniyang binitiwang pangako noong 2022 general elections na magpapatayo siya ng karagdagang Police Station sa Liloan City para maisulong ang peace and order at police visibility sa nasabing lugar upang mapangalagaan ang mga residente dito.

PInangunahan ni Frasco ang pagpapasinaya sa bagong gawang police station sa Barangay Tayud na nagkakahalaga ng P10 million na inilipat naman ng mambabatas sa pamamahala ng PNP.

Ayon kay Frasco, sa pamamagitan ng bagong tayong police station, mas madaling makakatugon umano ang mga kapulisan sa panahon na kakailanganin ang kanilang serbisyo. Kabilang na ang pagpapanatili ng police visibility sa nasabing lugar para magbigay proteksiyon sa mga mamamayan ng Liloan City.

Ipinagmalaki din ng kongresista na bukod dito, mas magiging convenient o madali para sa mga residente ng Barangay Tayud, Catarman at Calero na nag-a-apply naman ng PNP National Police Clearance para makakuha ng nasabing dokumento na requirement naman sa inaaplayan nilang trabaho.

Pinasalamatan naman ni PNP Liloan Police Chief Major Eric Gingoyon si Congressman Frasco dahil sa hindi matatawarang suporta nito para sa hanay ng PNP sa pamamagitan ng mga isinusulong nitong proyekto katulad ng ipinatayo nitong bagong Police Station sa Barangay Tayud.

“Hindi lamang dito natatapos ang ating suporta at pagtulong para sa ating mga kababayan. Ipagpapatuloy natin ang ating pagtulong sa pamamagitan ng mga naka-hilera nating programa at proyekto para sa ating mga kababayan. Sinisikap natin tuparin ang ating mga ipinangako,” ayon kay Frasco.