Tulfo1

Rep. Tulfo nanawagan sa Senado: Pag-amyenda sa RTL madaliin

117 Views

NANAWAGAN nitong Martes si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa kanilang counterpart sa Senado na madaliin na ang pag-amyenda sa Rice Tarrification law (RTL) kasabay ng panawagan na dapat ding itulak ng Senado ang kanilang panukala na ibalik sa merkado ang murang bigas ng National Food Authority (NFA).

Ginawa ni Tulfo ang pahayag matapos aprubahan nitong Martes ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon province Rep. Mark Enverga ang pag-amyenda sa RTL. Agad din itong naaprubahan sa Committee on Ways and Means sa pamumuno naman ni Albay Rep. Joey Salceda.

“Nakalusot nga ho dito (sa Kongreso), ang problem namin ngayon is sa Senate. Iba ho yung version nila eh. Yung version noon ng Senate, walang laman eh. Eh wala ho binabanggit doon na NFA,” ayon sa pahayag ni Tulfo ng ACT-CIS partylist.

“So pumasa manho dito, pagdating ho sa kanila, wala rin mangyayari siguro. Eh pakiusap po namin sa Senate, baka pwede naman ho, sumabay na lang ho kayo sa version namin. Isantabi ho muna natin yung mga business interest, personal interest natin. Unahin po muna natin yung interest ng mga tao, ng nakakarami ho sa atin,” dagdag ni Tulfo.

Inapruhan sa Kongreso ang naturang panukala matapos ipag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na madaliin ang pagpasa nito, isang araw matapos i-anunsyo mismo ng pangulo na ise-certify niyang “urgent” ang panukalang pag-amyenda sa RTL.

Kasama sa pag-amyenda ang pagbabalik sa merkado ng mababang presyo ng bigas mula sa NFA para ma-solusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na aabot na sa mahigit P50 kada kilo.

Inanunsyo rin ni Speaker Romualdez na sa darating na Hulyo ay target nila ang mas mababa sa P30 na kada kilo ng bigas. Ito ay matapos nilang pulungin ang Department of Agriculture para tugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Gagamitin ng DA ang mga KADIWA centers para magbenta ng murang bigas sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pero para sa long-term solution ipinag-utos ni Speaker sa kumite ni Enverga na ang pang-amyenda sa RTL ang makakasolusyon sa pagtaas ng presyo ng bigas.

“Of course, we know how important this is to Speaker Martin Romualdez. Gusto po niyang ma-realize na, na mababago natin yung presyo. Gayun din, as announced by the President, he is very much willing to certify this measure. So ito po ay paraan po natin. Para meron po tayong affordable rice para po sa ating mga kapwa,” ani Cong Enverga matapos nilang aprubahan ang panukalang pag-amyenda sa RTL.