Valeriano

Rep. Valeriano: PH walang mapapala sa destabilisasyon

Mar Rodriguez Nov 11, 2025
452 Views

NANINIWALA ang House Committee on Public Order and Safety chairman na si Manila 2nd District Rep. Rolando “CRV” Valeriano ns hindi mare-resolba ng mga destabilisasyon ang mga problema ng bansa.

Binigyang diin ni Valeriano na lalo lamang magkakagulo sa ating bansa sakaling magkatotoo ang di-umano’y pina-planong pagpapabagsak sa pamahalaan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sinabi ni Valeriano na ang pangunahing tatamaan ng di-umano’y destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos Jr. ay ang ekonomiya at lalong magkaka-windang-windang ang lagay ng bansa sa halip na magkaroon ng kaayusan.

Ang reaksiyon ng kongresista ay kasunod ng lumabas na mga pangalan sa social media kung saan nabanggit ang ilang malalaki at kilalang personalidad na sinasabing nasa likod ng planong destabilisasyon bilang mga financier at backer.

Bagama’t sumasailalim pa sa validation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang impormasyon, iginigiit ni Valeriano na hindi solusyon ang destabiliasyon o planong pagpapatalsik sa administrasyon para resolbahin ang mga kasalukuyang problema ng bansa.

Ikinagalak din ni Valeriano ang pahayag ng Malakanyang na hindi hahayaan ni Pangulong Marcos, Jr. na magtagumpay ang anumang balakin na pabagsakin ang pamahalaan.