Konsehal Source: Eunice Castro

Resolusyon inirekomendang kasuhan konsehal sa paglabag sa Safe Spaces Act

Edd Reyes May 22, 2026
31 Views

ISINAPUBLIKO na ng Office of the City Prosecutor ng Maynila ang inilabas na resolusyon na nagrerekomendang kasuhan ng tatlong bilang na kasong paglabag sa Safe Spaces Act si Manila 4th District Councilor Ryan Ponce.

Ang inilabas na resolusyon na may petsang Mayo 12 ay nag-ugat sa inihaing reklamo ng kapuwa niya konsehal na si Eunice Castro hinggil sa malalaswang mensahe sa text at paghaplos na mistulang pagpapahiwatig ng pagnanasa na naganap noong Agosto 18 at Setyembre 18 ng nagdaang taon.

Mismong sa kanyang privilege speech sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Oktubre 9, 2025 isiniwalat ni Castro ang ginawa umano sa kanyang sexual harassment ni Ponce, kabilang ang aniya ay pandudutdot ng ilang ulit sa kanyang palad na senyales ng pag-aanyaya ng pakikipagtalik na dahilan para patawan ang konsehal ng 60-araw na suspensiyon ng Committee on Ethics.

Ibinasura naman ng Tagausig ang reklamong Acts of Lasciviousness ni Castro bunga ng kawalan ng sapat na ebidensiya.

Sa kabila nito, nagpahayag pa rin ng kasiyahan si Castro sa resolusyon ng Office of the City Prosecutor na aniya ay magsisilbi ring inspirasyon sa ibang kababaihan na dumanas din ng kahalintulad na sexual harassment na kanyang naranasan.