Calendar
Rhen ‘di prayoridad ang director-BF
Inamin ng aktres na si Rhen Escano na may mga natanggap siyang indecent proposal sa pamamagitan ng direct message through her Instagram account.
Nakapanayam namin si Rhen pagkatapos ng renewal niya ng kontrata bilang endorser ng CC6 Online Casino at FunBingo mula sa B’Vibes Entertainment Production, at JAF Digital Group ni Dhevy Sahagun na ginanap sa isang hotel sa Quezon City.
Natanong kasi ang Viva talent kung may mga nagpaparamdam sa kanya na maka-date siya kapalit ng material na bagay o malaking halaga.
“Yes nakakaloka, may mga nagme-message na nagyayang mag-coffee, mga ganu’n. Nangyayari talaga ‘yun kapag artista ka, hindi ko sila pinapansin, hindi ko sila sinasagot as in dedma,” pag-amin ng dalaga.
Dagdag pa niya, “Minsan nga ini-screen shot ko pa at papadala ko sa mga friends ko, sabi ko ’oy, guys, oh, grabe ang laki ng offer, mag-coffee (date) lang daw ganyan.’”
Hindi nagbanggit si Rhen ng presyo na in-offer sa kanya para sa simpleng coffee date at hindi rin naman siya interesado.
Klinaro rin nito na walang politikong involved dito, “Wala talaga, honestly, wala talaga. Sabi ko nga, ang pangit ko ba? Hahaha!”
Anyway, walang inamin ang aktres kung sila pa rin ng napabalitang boyfriend niyang direktor noong nakaraang taon. Basta ang sabi lang niya ay iba ang prayoridad niya ngayon sa buhay.
“‘Andiyan lang naman siya (nabalitang dyowa). Well, busy po ako talaga, lalo na ngayon na hindi lahat ay nabibigyan ng opportunities. Nire-respect niya kung anong mayroon at ako rin naman, wala pa ako sa stage na iyon (relasyon) ang magiging focus ko.
“Siguro may mga parts ng buhay ko na ayoko na lang masilip pa ng ibang tao. Basta happy and blessed,” pahayag ni Rhen.
Samantala, kaya muling ni-renew ng CC6 Online Casino at FunBingo si Rhen ay sa dahilang gustong-gusto siya ang lahat ng mga pinupuntahan nilang lugar para maghatid ng tulong.
Magiliw sa tao si Rhen, sabi ni Ms. Dhevy.
Ang ilan sa mga lugar na nabisita na ng aktres ay nagdala sila ng grocery items at paninda sa mga biktima ng landslide at baha sa Davao del Norte at Marikina na naapektuhan ng kalamidad.
Nag-organisa rin sila ng feeding programs sa Makati, Cavite at Manila.
Natulungan ang mga katutubong Aetas na estudyante sa Bataan, na nag-aambag sa kanilang pag-aaral.
Nagsagawa ng tree planting activities sa Rizal, Antipolo para isulong ang pangangalaga sa kapaligiran.
Nakatulong naman sa libu-libong tricycle driver ang pagbibigay nila ng tulong pinansyal at pagkain.
Sinuportahan ang Balanga Lions Club sa kanilang medical mission para sa mga mag-aaral sa Bataan, kung saan nag-donate sila ng mga bisikleta, gamit sa paaralan at nagsagawa ng feeding program para sa mga batang estudyante.
At noong February 2 ay ipinagdiwang nito ang ika-limang anibersaryo (ng CC6) at ika-pitong taon (ng FunBingo) sa Malate, Manila, kung saan namahagi sila ng tulong at namigay ng P77 billion (CC6) at P27 billion (FunBingo) sa mga manlalaro at sa charity programs. Reggee Bonoan