Posas

Rider muntik espadahin kapitbahay, arestado

4 Views

INARESTO ng mga pulis noong Huwebes ang rider na muntik espadahin ang kapitbahay niya sa Quezon City na nakiusap na ibalik ang hiniram na helmet na ilang araw nang nawawala.

Residente ng Brgy. Bahay Toro, Quezon City ang suspek na si Roderick Benuyo Solano, 48, ayon kay P/Lt. Col. Macario Loteyro, station commander ng Project 6 Police Station 15 ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga ng maganap ang insidente sa harap ng bahay ng suspek sa 79 Shorthorn St., Road 23, Brgy. Bahay Toro.

Pinuntahan umano ng biktima ang bahay ng suspek at hiniling na ibalik ang kanyang helmet na ilang araw nang hawak nito.

Pero sa halip na isauli, kinuha ng suspek ang kaniyang espada at nang tangkang ihataw sa biktima nakatakbo ang huli.

Nagsumbong ang biktima sa pulisya at inaresto ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang espada at sasampahan ito ng kasong Grave Threat sa Quezon City Prosecutor’s Office.