Riders

Riders magiging mas responsable sa bagong batas

13 Views

MAY hanggang Disyembre 31, 2025 ang mga may-ari ng motorsiklo upang ipa-rehistro muli ang kanilang mga sasakyan at mag-apply para sa bagong uri ng malalaki, mababasa, at color-coded na plaka, alinsunod sa bagong batas na naglalayong isulong ang responsableng pagmamay-ari ng motorsiklo, ayon kay Camarines Sur Representative LRay Villafuerte.

Ang pagpapataw ng parusa sa mga lalabag sa bagong panuntunan ukol sa mas malaking plaka ay magsisimula sa Hunyo 30, 2026, na siyang deadline ng Land Transportation Office (LTO) upang makapaglabas ng nasabing mga plaka.

Mga Tampok ng Republic Act No. 12209:

Pagpaparehistro at Transfer ng Pag-aari

Kailangang mailipat ang rehistro ng motorsiklo sa loob ng 20 working days mula sa pagbebenta.Ang hindi pagsunod ay may multang ₱5,000. Obligado ang mga nagbenta na i-report sa LTO ang bagong may-ari sa loob ng 5 araw. Ang mga dealer ay kailangang magsumite ng taunang report ng mga na-repossess nilang motorsiklo.

Pagbabago sa Doble Plaka Rule

Inalis na ang requirement na may plaka sa harap. Ang plaka ay likuran lang, ngunit kailangang: malaki, madaling mabasa, at color-coded; nababasa mula sa 15 metrong layo; at sundin ang font at laki na itatakda sa IRR ng batas

Pantransisyong Panahon at Parusa

Hanggang Disyembre 31, 2025 ang palugit para mag-renew ng registration at mag-apply ng bagong plaka. Ang LTO ay may hanggang Hunyo 30, 2026 upang maglabas ng mga bagong plaka. Pagkatapos ng nasabing petsa, ipatutupad na ang mga penal provisions

Mga Parusa sa Paglabag:

Pagmamaneho nang walang plaka o hindi mabasang plaka – multa hanggang ₱5,000; hindi pagrereport ng nawawala/nasira/ninakaw na plaka – multa hanggang ₱5,000; kung ginamit sa krimen at hindi ni-report sa loob ng 3 araw – multa hanggang ₱10,000; pamemeke, pagtamper, pagtatakip ng plaka – kulong ng 6 buwan at 1 araw hanggang 2 taon, at/o multa ng ₱10,000; at pagbenta o pagbili ng pekeng plaka – parehong parusa sa seller at buyer.

Konteksto ng Batas

Ang bagong batas ay amendatory ng Republic Act No. 11235 o ang “Motorcycle Crime Prevention Act.” Nilagdaan ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong unang linggo ng Mayo 2025.

Ang pagpasa nito ay kasabay ng ulat mula sa Federation of Asian Motorcycle Industries (FAMI) na tumaas ng 9% ang benta ng motorsiklo (595,235 units) mula Enero hanggang Abril 2025, kumpara sa parehong panahon noong 2024. Samantala, ang lokal na produksyon ay umangat din ng 16%, ayon sa Motorcycle Development Program Participants Association Inc. (MDPPA).

Ayon kay Rep. Villafuerte, na isa ring rider, layunin ng bagong batas na hikayatin ang disiplina at kaayusan sa kalsada, habang ginagawang mas makatao at makatwiran ang pagpataw ng mga parusa para sa mga lumalabag.

“Hindi ito para pahirapan ang mga motorista, kundi upang isulong ang kaligtasan at integridad ng pagmamay-ari ng motorsiklo sa bansa,” aniya.