Calendar
Ridon: ‘Di pagwawaldas ng public funds ang impeachment trial
SINABI ni Rep. Terry Ridon na nagagamit base sa mandato ng Konstitusyon ang public funds sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Hindi ho tayo nagsasayang ng pera dito dahil ito po ay proseso ng pagpapanagot ng mga matataas pong opisyal ng pamahalaan,” ayon kay Ridon.
Pinarating niya ang mensahe nang maglabasan sa social media na milyun-milyong piso ang nasasayang dahil sa impeachment trial.
Para sa kongresista, “misleading” ang mga pahayag na pagsasayang ng pondo ng gobyerno ang impeachment.
“Huwag ho nating linlangin ‘yung pong mga tao.
Wala hong dagdag pondong ginamit para sa impeachment proceedings, whether at the House level or the Senate level,” sabi pa ni Ridon.
Ipinaliwanag niya na constitutional process ang impeachment gaya din ng committee hearings at plenary sessions ng Congress kaya legitimate function ang ginagawa ng mga mambabatas.
“Kumbaga in the same manner na pinopondohan ho natin ang pagkakaroon ng mga committee meetings, plenary sessions ng Kongreso at Senado, ganun din po ‘yun.
Yun po ang dahilan bakit pinopondohan po ng bayan ‘yung ganito pong mga gawain at gampanin.
Wala naman hong dagdag na pondo na ginagamit dito po sa paggugol ng trabaho para sa impeachment proceedings, whether ng Kongreso at Senado.
Hindi ho humihingi ng dagdag na pondo mula sa kabangbayan para ho magkaroon ng impeachment proceedings,” dagdag ni Ridon.
