ATTY Ang sagot ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ founder at lider na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy sa isang phone interview.

Risa: Kampo ni Quiboloy natanggap na ang show cause order

156 Views

TINULIGSA ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros si Kingdom of Jesus Christ founder at lider na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy sa umano’y kawalan nito ng respeto sa Senado kung saan ay kinumpirma din ni Hontiveros bilang chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na natanggap na ng kampo nito ang kanilang show cause order.

Sa isang panayam, ay sinabi ni Hontiveros na may 48 hours lamang si Quiboloy upang sagutin ang komite kung bakit hindi siya dapat arestuhin sa kabila ng kanyang pagtanggi na humarap sa imbitasyon ng Senado.

“Honestly, I cannot see think an acceptable reason bakit hindi siya dapat paarestuhin. Lalo na kung mananatili siya magsabing he sees no reason to honor the senate invitation. Siya ang pinakawalang respeto na nakita ko sa Senado sa tanang buhay ko sa pagtatrabaho dito sa Senado. Bakit nag i-insist si Quiboloy na wala siyang obligasyon na humarap. Sino ba siya para sabihin niya yun?” Tanong ni Hontiveros.

Ang Senate committee on women ang nag-iimbestiga sa umano’y mga sexual abuse at iba pang paglabag sa karapatang pantao ni Quiboloy at ng kanyang Kingdom of Jesus Christ.

Sinabi pa ni Hontiveros na tagilid ang katuwiran na for medical reason sakaling ito ang gagamitin ni Quiboloy dahil gasgas na aniya sa katuwiran na yan simulat sapul pa.

Binatikos din ni Sen. Hontiveros ang mag-amang sina dating Pangulong Duterte at ang kasalukuyang bise presidente na si Sara Duterte matapos nitong sabihin na trial by publicity ang ginagawa laban kay Quiboloy kung saan ay nagpakita pa sila ng todo suporta sa pagdalo sa rally kamakailan sa Liwasang Bonifacio.

“Bakit nag-effort pa sila na dumalo at dumepensa sa isang tao na akusado sa mga napaka seryoso at mabibigat na offenses laban sa mga taong vulnerable sa ating lipunan? Sana lang yung effort nilang dalawa binuhos na lang sa pagdepensa sa mga mangingisda, sa ating kasundaluhan at sa mga coastguard sa pambu bully ng Tsina sa ating karagatan,” ani Hontiveros kung saan ay niliwanag din ng senadora na hindi trial by publicity kay Quiboloy ang nangyayari kundi pagtalakay sa katotohanan.

“Walang trial by publicity kay Quiboloy. Ang judgement sa innocence and guilt ay labas sa trabaho ng Senado sapagkat ito ay nasa kamay lamang ng korte,” paglilinaw ni Hontiveros.

Napag-alaman din na hindi lamang ang komite ni Hontiveros ang boboto sa Senado tungkol sa magiging katuwiran ng kampo ni Quiboloy sa show cause order kundi ang 24 na senador na gagawin sa isang deliberasyon mismo sa plenaryo.

Matatandaang na hiniling ni Hontiveros kay Zubiri na maglabas na ng warrant of arrest dahil sa patuloy na hindi pagsipot ni Quiboloy sa mga pagdinig ng Senate panel .

Ngunit ayon kay Zubiri, kailangan munang ubusin ng Senado ang lahat ng legal remedies gaya ng binanggit sa nakaraang Supreme Court (SC) ruling kung saan ay iginiit ng pangulo ng senado ang show cause order para sa kaso ni Quiboloy.