Robin

Robin itinulak matinding parusa sa mga ambassador na mang-aabuso ng OFWs

198 Views

DOBLE ang kanilang kasalanan, kaya dapat mas matindi ang kanilang kaparusahan.

Iginiit ito nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para sa mga ambassador at overseas personnel ng Pilipinas na mang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW) lalo na kung ginawa ito sa OFW shelters.

“Sana po magkaroon tayo talaga ng ngipin sa mga ganitong pangyayari. Ang hirap tanggapin talaga. Nahirapan akong tanggapin – ambassador ka, ikaw ang tatay sa lugar na yan. Tapos ikaw ang, unang una nasa shelter pa ang tao?” ani Padilla sa pagdinig ng Committee on Migrant Workers.

Ani Padilla, hindi na dapat maulit ang kaso ng sexual harassment na sangkot ang isang ambassador sa Kuwait, 10 taon na ang nakaraan.

Ibinunyag ni Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople na ang ambassador na ito ay hindi nasampahan ng kasong kriminal at nakaretiro na. Tinulungan ni Ople ang nabiktimang kasambahay noong nang nasa non-government organization siya noong panahong iyon.

Dagdag ni Ople, noong nakaraang buwan lang niya nakuha ang desisyon ang Department of Foreign Affairs na pagbayaran ng multa ang ambassador. Dahil dito, ipinunto niya na kailangan ng anti-sexual harassment law na makasama ang mga diplomat.

“Hindi ko lang mapalagpas ang ambassador. You have an oath na proteksyunan mo ang Pilipinas at ang mga tao nito sa harapan ng Diyos, sa harapan ng Konstitusyon – tapos gagawa siya ng ganoon. Sa akin po wala akong ano, kahit 10-20 taon, nasaan ang ambassador na yan? Kasi di pupuwede yan,” giit ni Padilla.

“Kung buhay pa ang kaso baka pupuwedeng habulin pa po natin,” dagdag ng nagalit na mambabatas. Tugon ni Committee Chairman Raffy Tulfo na maaari itong gawin kung pasok pa ang kaso sa statute of limitations. “That’s a good point raised by Sen. Padilla,” aniya.

Nagpasalamat si Ople kay Padilla at Sen. Tulfo, at umasa na ma-review ang anti-sexual harassment law para masakop ang diplomatic and overseas personnel para mapanagot. “Basta Filipino na personnel ng gobyerno natin abroad, dapat covered ng batas,” ayon kay Ople.