Benteng Bigas

Roll out ng P20/kilo ng bigas sinimulan na ng DA, DOLE

Cory Martinez Jun 13, 2025
21 Views

SINIMULAN na ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) noong Biyernes ang rollout ng P20 kada kilo ng bigas.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang magkatuwang na inisyatibo ng dalawang ahensya ay pagtupad sa campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maibsan ang financial burden ng mga Filipino.

“This isn’t just about rice—it is about dignity. It is about proving that government can deliver for the Filipinos who need it most. We are fulfilling President Marcos’ promise of affordable food—subsidized for now, but ideally self-sustaining in the future through agricultural modernization,” ani Tiu Laurel.

Sinang-ayunan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang pahayag ni Tiu Laurel at sinabing maisusulong ng expanded program na isinama ang mga minimum wage earner ang layunin ng administrasyon na suportahan ang mga nasa vulnerable sector.

Ayon sa DOLE, umaabot sa 120,000 ang mga minimum wage earner mula sa mahigit na 500 na establisiyemento sa buong bansa ang makikinabang mula sa DA-DOLE partnership na ito, na kung saan inaasahang tataas pa ang bilang ng mga kumpanyang sasali sa programa.

Unang inilunsad ang programa na mas kilalang “Benteng Bigas, Meron Na!,” noong Mayo 1 sa Cebu. Nanggagaling sa reserbang binili ng National Food Authority (NFA) mula sa mga magsasaka ang bigas na ibinebenta.

Nasa pilot phase ang programa na tatagal hanggang Disyembre na ang layunin ay makinabang ang may 14 milyong Pilipino, partikular ang mga vulnerable sectors katulad ng mga solo parent, senior citizen, persons with disabilities at indigents.