Marianito Augustin

Romero tuloy ang paglilingkod sa mga nangangailangan kahit recess

195 Views

TODO-TODO ang paglilingkod ng ating mga kongresista kahit pa naka-break ang session sa Kamara de Representantes dahil sa nakalipas na Christmas holiday. Hindi naman dito natatapos ang kanilang serbisyo publiko lalo na para sa mga kapos-palad at mga nangangailangan.

Para kay 1-PACMAN Party List Cong. Michael “MIkee” L. Romero, Ph.D., hindi ibig sabihin na kapag naka-recess o naka-break ang session ng Kongreso ay naka-bakasyon na rin ang kaniyang pages-serbisyo sa taongbayan partikular na para sa mahihirap natin kababayan na kailangan ng tulong.

Ipinapakita lamang ni Romero na kahit sa anong panahon hindi nito kayang pigilan ang kaniyang serbisyo publiko sapagkat araw-araw ay mga taong dumudulog sa kaniyang tanggapan para humingi ng tulong at walang pinipiling araw ang mga taong nahaharap sa mabibigat na suliranin.

Kamakailan, nagkaloob si Romero ng medical assistance para sa mga mahihirap na mga kababayan na halos hindi malaman kung saan nila kukunin ang napakalaking hospital bill o mga bayarin sa ospital. Sa kabutihang loob ng kongresista, maraming mahihirap na mamamayan ang kaniyang natutulungan.

Marahil ay magtataka kayo kung bakit natin ito isinusulat sa ating column. Isa lamang ang sagot diyan. Inilalahad natin ang “mabuti at magndang balita” sa mamamayang Pilipino sa halip na magkalat o maghasik tayo ng “fake news”. Ang inihahasik natin ay ang mabubuting bagay na ginagawa ng ating kapwa.

Magandang balota din ang pagiging optimistiko ni Barbers

Ang katuwiran ko lang naman magbabalita ka rin naman, siguraduhin na natin na ang ating ipapakalat na balita ay yung maganda at pakikinabangan ng ating mga kababayan. Kung magkakalat rin naman ng balita na ika-iinit lamang ng ulo ng kapwa natin mas mabuti pang manahimik ka na lamang.

Hindi ba tama lamang na malaman ng ating mga kababayan na optimistiko si Congressman. Robert Ace S. Barbers na mas dadami ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipinong “unemployed” sa bansa sakaling matuloy ang pagsusulong sa pag-aamiyenda sa Konstitusyon.

Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang paglalagak ng puhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit inaasahan na maraming trabaho ang mapapasukan ng mga Pilipinong unemployed o walang trabaho.

Ipinaliwanag ng kongresista na kumpiyansa siya na mas dadami ang bilang ng mga Pilipinong may makukuha o kaya ay mayroong mapapasukang trabaho sa bansa sa oras na magtagumpay ang isinusulong na Cha-Cha o pag-aamiyenda sa ilang probisyon ng 1987 Philippine Constitution.

Ayon kay Barbers, sa ilalim ng Konstitusyon napipigilan ang pagpasok ng mga “foreign capital” sa bansa dahil may probisyon sa Saligang Batas na naglilimita sa mga negosyo patungkol sa kanilang maaaring maging pagma-may-ari. Ang nasabing probisyon ay hindi maaaring amiyendahan.

Binigyang diin pa ni Barbers na ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o ang pagbaba ng poverty incidence sa bansa ay resulta ng maayos na polisiya at program na ipinatutupad ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kabilang na ang kaniyang economic managers.