Martin2

Romualdez: PBBM nagningning sa pagtulak ng interes ng PH sa APEC

170 Views

HINDI umano maikakaila ang pagkinang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtulak nito sa interes ng Pilipinas sa katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation 2022 (APEC) Summit na ginaganap sa Bangkok, Thailand.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez matagumpay na naipakita ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay isang investment hub bukod pa sa naitulak nito ang interes hindi lang ng Pilipinas kundi maging ng ekonomiya sa Asia Pacific.

Naging matagumpay din umano si Marcos sa pagpapayabong ng relasyon ng Pilipinas sa mga bansa na naka-bilateral meeting nito.

“The points the President has raised during the various APEC sessions resonated with other leaders of member economies and attuned with the common objective to revitalize the Asia-Pacific region as the main engine of global economic recovery and growth,” sabi ni Romualdez.

Tinukoy din ni Romualdez ang pahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Eric Tamayo sa isang press briefing noong Biyernes na ang mga pahayag ng iba pang lider ng APEC ay akma sa mga sinabi ni Pangulong Marcos.

Nauna ng sinabi ni Romualdez na makikita rin kay dating Pangulo at incumbent Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na natutuwa ito sa ipinakita ni Pangulong Marcos unang bahagi pa lamang ng pagpupulong.

“You could see GMA there literally cheering him on and we would see how delighted she was with his performance and the crowd itself was applauding our President for his very, very clear-cut answers, and very incisive,” sabi ni Romualdez na ang tinutukoy ay ang mga sagot ni Marcos sa APEC CEO Summit.

Maging sina World Economic Forum founder, Prof. Klaus Schwab, at Global Chairman of PricewaterhouseCoopers International Limited Robert Moritz ay sumasang-ayon umano sa mga sinagot ni Marcos, ayon kay Romualdez.

Binigyan-diin ni Marcos sa APEC ang kahalagahan na maparami ang produksyon ng pagkain, mapalakas ang global health system at matugunan ang epekto ng climate change.