Calendar
Romualdez prinoklamang muli na kongresista ng Leyte 1st district
MULING nakuha ni Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) President at House Majority Leader Martin G. Romualdez ang kaniyang ikalimang termino bilang kongresista ng 1st District ng Leyte matapos ang nagdaang May 9 elections.
Nakakuha si Romualdez ng 181,480 na boto at iprinoklamang nanalong kandidato. Ginawa naman ang proklamasyon kay Romualdez sa Province of Leyte Old Legislative Building dakong 9:40 a.m. na sinaksihan ng kaniyang pamilya, malalapit na kaibigan at mga taga-suporta ng kongresista.
“We thereby proclaim the above named winning candidate (Romualdez) as the duly elected member of the House of Representatives of the 1st legislative district of Leyte,” pahayag ng Provincial Board of Canvassers chairperson at Provincial election supervisor na si Atty. Antonio Gulay, Jr.
Sinabi ni Romualdez, matapos ang kaniyang proklamasyon, na mas tututukan niya ngayon ang pagkakaloob ng ibayong serbisyo para sa kaniyang mga kababayan sa larangan ng edukasyon, kalusugan, kabuhayan o livelihood at pagbangon ng mga taga-Leyte mula sa Pandemiya dulot ng COVID-19 Virus.
“Nandito pa tayo sa pandemya. Sana endemic na po, Kailangan talaga, we have to bring back our economy,” sabi ni Romualdez.
Tiniyak din ni Romualdez na mas lalo pa niyang pag-iibayuhin ang kaniyang serbisyo para sa kaniyang kababayan. Upang magkaroon sila ng “pera sa kanilang mga bulsa” para makabili ng pagkain, mapag-aral ang kanilang mga anak at panggastos para sa pagpapagamot ng mga may karamdaman.