Ruru

Ruru, dibdiban ang hand combat, motocross at martial arts training

377 Views

SA Nobyembre 6, abangan ang pagbabalik ng Primetime Action Hero na si Ruru Madrid sa action-packed Filipino drama series ng GMA Network na Black Rider.

Mula sa GMA Public Affairs, tampok sa full-action series ang kabayanihan, paghihiganti, hustisya at kuwentong pampamilya.

Makakasama ni Ruru sa primetime series sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman at Katrina Halili. Abangan din si Kylie Padilla sa isang natatanging pagganap.

Si Ruru ay si Elias Guerrero, isang motorcycle driver ng delivery app na Biyahero.

Hindi magtatagal ay magkakaroon siya ng isa pang pagkatao – si “Black Rider,” isang vigilante na lalaban sa kilalang sindikato na Golden Scorpion.

Kilala sa kanyang hilig na gumawa ng sarili niyang mga stunt, masinsinang nagsanay ang homegrown Kapuso actor sa hand combat, motocross at martial arts para sa fight scenes ng Black Rider.

Itinuturing ito ni Ruru bilang isang dream come true project.

“Excited na po ako na ibahagi sa inyo ang Black Rider – ang latest primetime offering ng GMA Public Affairs kung saan pinagsama-sama ang mga artista mula sa iba’t ibang henerasyon.

“Isang karangalan na makasama ko ang mga tinitingala kong artista sa napakalaking proyektong ito. Maraming salamat, GMA Network, GMA Public Affairs at Sparkle GMA Artist Center sa pagtupad sa aking pangarap na makagawa ng isang full-action series. Ipinapangako ko sa inyo na ibubuhos ko ang lahat para sa programa na ito,” ani Ruru.

Samantala, ito ang nagsisilbing pinakamalaking proyekto ni Matteo pagkatapos niyang bumalik sa Kapuso Network.

“It’s a very nice feeling to get back, working on the craft again,” sabi ni Matteo, na gumaganap bilang Paeng Policarpio, isang matapang na pulis na may malalim na kaugnayan kay Elias.

Nagbabalik din sa paggawa ng teleserye sa GMA si Yassi, na mapapanood bilang si Vanessa “Bane” Bartolome.

Si Bane ay isang small-time magnanakaw. Magku-krus ang kanilang landas ni Elias. Mayroon din siyang madilim na nakaraan na kinasasangkutan ng Golden Scorpion.

Nagpapasalamat si Yassi sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanyang pagbabalik sa GMA.

“It’s nice that everybody is kind, everybody is still warm. Pagdating din sa set namin, ang warm din ng mga tao,” say ni Yassi na excited nang ipakita ang “badass” side ng kanyang karakter.

Ang homegrown GMA actress naman na si Katrina ang gaganap bilang si Rona Marie Ana ‘Romana’ Tolentino, isang vigilante na makakasangga ni Elias sa paglabas sa Golden Scorpion.

“I am happy and excited to return to primetime and this time, for a full-action drama series alongside great actors,” pagbabahagi niya.

Tiyak na magpapamalas siya ng kanyang fierce action skills sa serye.

“Nag-train po kami para sa aming mga karakter sa seryeng ito kaya naman sana po ay suportahan ninyo ang Black Rider,” ani Katrina.

Tampok din sa cast ang pinagsamang grupo ng young at veteran actors kabilang ang iconic action stars na sina Zoren Legaspi, Raymart Santiago, Gary Estrada, Raymond Bagatsing, Isko Moreno, Monsour del Rosario at Roi Vinzon; gayundin ang mga batikang aktor na sina Rio Locsin, Gladys Reyes, Maureen Larrazabal at Almira Muhlach.

Gagampanan naman ni Jon Lucas ang karakter ni Calvin Magallanes. Kahit pareho silang mahusay sa motorsiklo ni Elias, mas pinaiiral ni Calvin ang ambisyon at uhaw sa kapangyarihan sa loob ng Golden Scorpion.

Nakatakdang gawing miserable ang buhay ni Elias ng mga Golden Scorpion Boys na sina Joem Bascon, Dustin Yu, Joaquin Manansala, Kim Perez, Vance Larena at Saviour Ramos.

Makakasama naman ni Elias bilang Biyaheros sina Empoy Marquez, Janus del Prado at Rainier Castillo.

Magdadagdag kulay sa serye ang mga sikat na komedyante na sina Empoy at Jayson Gainza gayundin ang paboritong rapper ng Gen Z na si Shanti Dope, social media stars na sina Pipay at si Ashley Rivera, drag queen Turing, Sparkle artists Prince Clemente at Mariel Pamintuan at loveteam nina Ashley Sarmiento at Marco Masa.

Ang Black Rider ay mula sa direksyon nina action director Erwin Tagle at master directors Rommel Penesa (Lolong) at Richard Arellano.

Abangan ang world premiere nito sa Nobyembre 6, 8 p.m., sa GMA Telebabad at may simulcast sa Pinoy Hits at livestream sa Kapuso Stream.

Mapapanood din ito sa GTV, 9:40 p.m.

Para sa Global Pinoys, mapapanood ito sa GMA Pinoy TV. Mercy Lejarde