Sabete Tinangka ni PetroGazz’s Jonah Sabete na makaiskor laban kina F2 Logistics’ Aby Maraño at Kim Fajardo sa kanilang PVL Open Conference quarterfinals match Martes ng gabi sa Filoil Flying V Centre. PVL photo

Sabete susi sa panalo ng Angels

Theodore Jurado Mar 30, 2022
326 Views

INULIT ni Jonah Sabete ang kanyang role na naging susi sa PetroGazz championship run noong 2019 PVL Reinforced Conference.

Maasahan sa mga larong kinakailangan na manalo, si Sabete ay clutch nang sinibak ng Angels ang F2 Logistics sa Open Conference semifinals race, 25-14, 22-25, 25-20, 25-19, Martes ng gabi sa Filoil Flying V Centre.

Pumalo si Sabete, na bumalik sa PetroGazz makaraang ma-disband ang Sta. Lucia noong Disyembre, ng 18 kills upang maiselyo ang semifinals duel ng Cignal HD.

“Sobrang happy po kasi yung tiwala po ng coaches samin like sa bawat isa naman andiyan talaga,” sabi ni Sabete.

“Kapag once na ilalagay ka dapat talaga gumawa ka, yun yung pinagkukunan ko… yung tiwala ng mga coaches na binibigay sa amin. Kaya kailangan talaga mag work,” dagdag ng Bulacan State University product.

Nasiyahan si coach Jerry Yee sa ipinakita ni Sabete kontra Cargo Movers, kung saan nagbida siya sa pagkalas ng Angels sa huling bahagi ng fourth set.

“Si Jonah yung ano ko e, siya yung glue guy ko,” sabi ni Yee, na bumalik upang magmando ulit sa PetroGazz ngayong taon. “Siya yung pang plug ko sa lahat ng kailangan ko. If kailangan ko ng blocking, kailangan ko ng receive, kailangan ko ng opensa.

Hindi estranghero sa mga big-time games, si Sabete ay isa sa mga sandigan ng kaisa-isang PVL title ng Angels may tatlong taon na ang nakalipas, kung saan bumira ang 28-year old open spiker sa playoffs.

Sa pagtatangka ng PetroGazz na makabalik sa Finals matapos na pumangatlo sa Ilocos Norte bubble noong nakaraang taon, masaya si Sabete na suklian ang pagtitiwala sa kanya ng koponan.

Nangako si Sabete na kakayod pa lalo sa hangarin na mapatumba ng Angels ang HD Spikers, na wala pang talo sa limang laro ngayong conference, sa pagpalo ng best-of-three semis bukas sa San Juan arena.

Ang isa pang Final Four pairing ay ang sister teams Creamline at Choco Mucho.