Calendar
Saludo kay Big J, El Presidente
BAGAMAT kapwa matagal ng wala sa mundo ng basketball, nananatiling buhay na alamat sina Robert “Big J” Jaworski at Ramon “El Presidente” Fernandez.
At bakit nga ba hindi?
Sa PBA, hindi maaaring mabangit ang pangalang Jaworski na hindi nababangit din ang pangalang Fernandez.
Pareho silang naging star players ng Toyota.
Parehong naging MVP, parehong naging playing coach. Parehong naka-ilang ulit na naging champion sa kani-kanilang mga teams.
Pareho naging miyembro ng PBA “25 Greatest Players.”
Pareho ding nahirang sa PBA Hall of Fame.
At ngayon, pareho din silang napili sa prestihiyosong Lifetime Achievement Award ng Philippine Sportswriters Association (PSA), ang oldest media organization sa buong bansa, sa darating nitong Awards Night sa Diamond Hotel sa Marso 14.
Bakit si Jaworski? Bakit si Fernandez?
Sa nakalipas na PSA Executive Board Meeting, na kung saan kabilang ang inyong lingkod, walang alinlangan na napili ang dalawa batay na din sa kanilang mahaba at makahulugang kontribusyon sa basketball.
Unang nagsana sina Jaworski at Fernandez bilang bahagi ng star-studded Toyota franchise na naglaro muna sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA), bago lumipat sa PBA bilang isa sa mga founding members nun 1975.
Nagsanib pwersa din sina Big J at El Presidente upang bigyan ang Toyota ng siyam na championships sa kauna-unahang play-for-pay league sa buong Asya.
Matapos ma-disband ang Toyota nung 1984 at nagkahiwalay ng landas, mas lalo pang nagpakitang gilas ng husto ang dalawa kssabay ng pagtaas din ng popularidad ng PBA.
Si Big J ay naging playing coach ng crowd favorite na Barangay Ginebra at nanalo ng apat na kampeonato bukid pa sa pagiging MVP nung 1978.
Ang 75-taong-gulang na si Jaworski, na naging Senador din mula 1998-2004, ang unang nagpasikat ng popular na “Never Say Die” spirit hanggang sa kanyang pag-retiro nung 1998 matapos ang 23 taon.
Gayundin, si Fernandez ay nagpakitang gilas bilang isa sa mga pinakamagaling na players ng bansa.
Ang 6-4 na si Fernandez ay nanalo ng record na 19 PBA championships mula 1975-1994 at apat na ulit na napiling MVP nung taong 1982, 1984, 1986 at 1988.
Sa kabuuan, si Fernandez ang itinuturing na PBA all-time scoring leader na may 18,996 points. Siya din ang PBA all-time leader sa rebounds, blocked shots, free throws made, playing minutes at second all-time sa assists, games played at steals.
Ang 68-taong-gulang na si Fernandez ay kasalukuyan ngayong commissioner ng Philippine Sports Commisssion (PSC) sa ilalim ni Chairman Butch Ra.mirez
Muling nagsama ang dalawa sa 1989 PBA All-Star Game, na kung saan ang ngayo’y hindi malilimutang “Jaworski-to-Fernandez ” winning pass ang naging ticket sa kanilang 132-130 panalo.
Sinundan ito ng kanilang tambalan para sa Philippine team sa 1990 Asian Games, na kauna-unahang pagkakataon na kinatawan ang bansa ng isang all-pro team mula PBA.
Sa darating na PSA Awards Night at magpakailanman, saludo tayo kina Big J at El Presidente.
Ang iba pang nakatanggap na ng PSA Lifetime Achievement awards ay sina legendary coach Baby Dalupan, ang dating basketball project di1ector Eduardo “Danding” Cojuangco, ang 1973
Philippine men’s basketball team, dating FIDE president Florencio Campomanes, Filomeno “Boy” Codinera, Gintong Alay project director Joey Romasanta, GM Eugene Torre, Efren “Bata ” Reyes at Paeng Nepomuceno.
Ang PSA Awards ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, San Mifuel Corporation, Cignal TV, Milo, 1-Pacman, Philippine Basketball Association, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philippine Racing Commission at MVP Sports Foundation.
* * *
Welcome back sa ating nagbabalik na People’s Taliba, sister newspapers ng inyong patuloy na kinagigiliwang People’s Journal at People’s Tonight ng Journal Group of Publications.
Para sa mga komento at suhestiyon , mag e-mail sa [email protected]