Lacson

Sariling pagkukunan ng enerhiya pagtuunan ng pansin vs sirit-presyo ng krudo

288 Views

KUNG magpapatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng nagaganap na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, baka dapat matuto na tayong dumepende sa sarili nating pagkukunan ng enerhiya, ayon kay Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson.

Inihayag ito ni Lacson kasunod ng mga anunsyo na papalo sa $120 kada bariles ang presyo ng krudo at dahil dito ay inaasahang magtataas ang presyo ng diesel nang P4.20 kada litro, habang P3.00 ang idadag kada litro sa presyo ng gasolina na magiging epektibo sa Martes.

Bilang paghahanda sa ‘giyera’ para sa katatagan ng ating ekonomiya at pagbalanse sa presyo ng mga pangunahing bilihin, sinabi ni Lacson na kailangan nating maging seryoso sa pagpapaunlad ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.

Bukod kasi sa sektor ng pampublikong transportasyon, may epekto rin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa magiging singil sa kuryente dahil may ilan sa mga power plant sa Pilipinas ang gumagamit ng krudo upang lumikha ng enerhiya, ayon sa presidential candidate.

“So, saan tayo pupulutin? So, kailangan mayroon tayong short-term, medium-term, at saka long-term (solutions). Sa akin, ‘yung pinaka-long-term, kailangan we should take a serious look at our own resources, ‘yung talagang homegrown resources,” pahayag ni Lacson sa isang press briefing sa Mendez, Cavite nitong Sabado.

Pinagpaplanuhan na ni Lacson ang mga paraan upang magamit ang alternatibong pagkukunan ng enerhiya na makikita sa ating bansa ngunit hindi naman lubusang napakikinabangan. Aniya, kung mapapalakas natin ang mga ito, hindi na natin kailangan pang umangkat ng coal.

“Ang dami nating araw, imagine that. Kung ma-harness natin ‘yung solar energy, solar power, pati ‘yung biomass ay baka hindi na tayo kailangang umangkat ng coal dahil saganang-sagana tayo. Ito ‘yung mga long-term solutions na dapat tingnan natin,” aniya.

Samantala, sang-ayon naman si Lacson sa ilang mga hakbang na ginagawa na ng kasalukuyang administrasyon upang hindi labis na maapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan, lalo kung magpapatuloy ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Kabilang na rito ang planong pagsuspinde sa excise tax sa langis na unang iminungkahi ng presidential candidate, gayundin ang pagpapatupad ng P2.5-billion ‘Pantawid Pasada Program’ sa pamamahala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, ayon sa Department of Energy (DOE).

Mayroon din umanong P500-milyong fuel discount program para naman sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng Department of Agriculture. Ipinangako rin ng DOE na tututukan nito ang supply ng mga produktong petrolyo para proteksyunan ang mga mamimili.

Ayon kay Lacson, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang mga isinasagawang paghahanda, lalo kung hindi maaampat ang pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at kung magtatagal pa ang labanan sa silangang bahagi ng Europa.

“Dapat maging handa, ano. Unang-una, ‘yung step na tinake ni Presidente (Duterte), that’s a good step—proactive ‘yon e. He met with the defense personnel tapos economic managers pati ‘yung private sector. So, magbabalangkas sila ano ‘yung way forward kung mag-escalate pa at magtagal (ang labanan),” sabi ni Lacson.

Sa isang press statement noong Miyerkules, siniguro ng DOE na sapat ang supply ng langis pero hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa bansa dahil apektado ng nagaganap na digmaang Ukraine-Russia ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.