Calendar
Sea buses ng Liloan Pier 88 Port nagsimula ng maglayag — Rep. Frasco
INIHAYAG ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na umarangakada ang operasyon ng “State-of-the-art” Sea buses sa Liloan Pier 88 Port na nag-umpisa ng maglayag ng mga pasahero mula Lapu-Lapu City patungong Mactan at pabalik naman ng Liloan Port.
Sa ginanap na “dry run voyage” ng Sea buses (Topline) mula sa Mactan Wharf patungong Pier 88, ipinaliwanag ni Frasco na ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkaroon ng ruta mula sa Mactan Island at North of Cebu para narin ma-establisa ang ugnayan sa pagitan ng dalawang lugar.
Sinabi pa ni Frasco na matatawag na isang “game changer” o isang makabuluhang pagbabago ang pagkakaroon ng diretsong ruta mula Pier 88 patungong Mactan Island para naman sa mga commuters ng North of Cebu partikular na sa lugar ng Liloan, Consolacion, Compostela at Danao City.
Binigyang diin ni Frasco na sa pamamagitan ng mga modernong Sea buses, mas mapapadali aniya ang pagbibiyahe ng mga Cebuano mula sa dating 1 hanggang 2 oras ay aabutin na lamang ito ng 30 hanggang 45 minutes. Habang ang pamasahe naman nito ay nagkakahalaga lamang ng P35.00.
Nauna rito, naging optimistiko at malaki ang paniniwala ni Frasco na sa pagbubukas ng proyekto nitong Liloan Port o Pier 88. Magbubukas din ang mga magagandang oportunidad para sa mga residente ng Liloan, Cebu City.
Sinabi ng kongresista na positibo ang kaniyang “projection” o nakikitang magandang kapalaran sa pagsisimula ng Pier 88 para sa mga residente ng Liloan o mga Cebuano sa kabuuan dahil sa mga negosyong itatayo o bubuksan sa loob mismo ng Liloan Port na magbibigay naman ng maraming trabaho.
Ipinaliwanag din ni Frasco na hindi lamang basta pantalan ang magiging papel ng Pier 88, bagkos ito aniya ay magiging isang napakalaking establisyemento na magbubukas ng maraming negosyo tulad ng mall, supermarket o groceries, sinehan, leisure park, restaurants at iba pang mga negosyo.