Caption: Humarap sa House Committee on Tourism na pinamumunuan ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si Tourism Sec. Christina Frasco sa budget deliberation ng kanyang ahensiya para sa 2024. Mga kuha ni MAR RODRIGUEZ

Sec. Frasco maayos ang pagharap sa budget hearing ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Aug 16, 2023
212 Views

House Committee House CommitteeNAGING maayos ang pagharap ni Department of Tourism (DOT) Sec. Christina Frasco sa House Committee on Tourism na pinamumunuan ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona para sa budget deliberation ng kaniyang ahensiya para sa susunod na 2024.

Kasabay nito, sinabi ni Frasco sa Committee on Tourism na umaasa siya na mabibigyan ng konsiderasyon o makokonsidera ng mga kongresista ang kanilang inihaing proposed national budget para sa 2024 sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang budget.

Sa pagharap nito sa nasabing komite, ipinaliwanag ni Frasco na nagkaroon ng 20% na pagbaba ang kanilang panukalang pondo para sa susunod na taon. Sapagkat mula sa kasalukuyang P3.73 billion ngayong 2023 at P2.99 billion na lang ang nakapaloob sa kanilang pondo para sa papasok na taong 2024.

Binigyang diin ng Tourism Secretary na mismong ang mga “economic managers” ng pamahalaan ang nagsabi na ang sektor ng turismo ang pumapangalawa sa mga itinuturing na “economic driver” o economic backbone ng pamahalaan o ang inaasahan na pagkukuhanan ng malaking pondo.

Sinabi naman ni Madrona na batay din sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) makikita dito na 6.2% ang naging ambag o kontribusyon ng Philippine tourism sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

Gayunman, ikinagalak din ni Madrona nang marinig nito sa pahayag ni Frasco na patuloy ang pagbangon ng tourism sector matapos ang halos dalawang taong COVID-19 pandemic na labis na nagpagupo sa turismo ng bansa.

Ayon kay Madrona, sa datos na ibinigay ng Tourism Department. Makikita na sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon, umabot na sa 3.4 million ang bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa o 71% ng kabuuang 2023 target na 4.8 million na foreign tourist arrivals sa Pilipinas.