Mercury

Sekyu ginising, nanakit, binaril, patay

Edd Reyes Dec 3, 2025
263 Views

BINARIL ng security guard ang karelyebo niya sa trabaho na nanakit sa kanya matapos niyang gisingin habang natutulog sa rest area ng kompanya, Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.

Dead on the spot ang biktimang si alyas “Sonny” na 48-anyos at residente ng Tangos South, Navotas City, sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si alyas “Joseph” na 41-anyos, dala ang kalibre .9mm pistol na service firearm na ginamit sa pamamaril.

Sa ulat na nakarating kay P/Col. Joey Goforth, hepe ng Caloocan Police, pinalitan ng suspek ang karelyebo niya bilang sekyu sa isang sangay ng bantog na botika sa kanto ng A. Mabini St. at C-3 Road, Barangay 23 ng alas-7 ng umaga, kaya’t isinauli na nito ang service firearm at nagtungo sa kanilang rest area para magbihis.

Nang mag-ikot ang suspek dakong alas-7:45 ng umaga, nakita niyang hindi pa umuuwi at natutulog ang biktima sa rest area, na bawal sa panuntunan ng kompanya kaya’t ginising niya at pinagsabihan ang kasamahan na umuwi na.

Sa halip na tumalima, pinagsalitaan pa umano ng hindi maganda ni alyas Sonny ang karelyebo na nauwi sa komprontasyon hanggang paluin ang suspek sa ulo ng biktima na dahilan ng pagkasugat sa ibabaw ng kaliwang mata.

Habang nakayuko sa lakas ng hataw, binato pa ng container ng biktima ang suspek na dahilan para hugutin ang service firearm at paputukan ang kasamahan ng dalawang beses.