Sekyu

SEKYU SINUNTOK NG NAKAAWAY SA BARANGAY, PATAY

Edd Reyes Nov 13, 2025
437 Views

KNOCKOUT kaagad nang tamaan ng suntok ang 28-anyos na sekyu mula sa kamao ng kanyang nakasagutang ka-barangay Miyerkules ng gabi sa Nasugbu, Batangas.

Patay na nang idating sa Apacible Memorial District Hospital ang biktimang si alyas “Jonathan”, security guard at residente ng Sitio Pingkian, Brgy. Looc, Nasugbu, makaraang hindi na pagbalikan ng malay matapos tamaan ng isang suntok sa kaliwang panga.

Tumakas naman ang suspek na si alyas “John”, 32, makaraan ang insidente at wala na rin sa kanilang tirahan sa Sitio Silangan sa naturan ding barangay nang puntahan ng mga pulis..

Lumabas sa imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station na unang nagtungo ang mga barangay tanod sa bahay ng biktima dakong alas-6:00 ng gabi upang hingan ng paliwanag kaugnay sa reklamo ng kanyang mga ka-barangay sa maingay na tambutso ng kanyang motorsiklo.

Ilang saglit lang ay dumating din ang suspek at kinompronta ang biktima sa kaparehong reklamo na dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng pagtatalo, sinuntok sa kaliwang panga ng suspek ang biktima na bumagsak at hindi na pinagbalikan ng ulirat.