Calendar
Sen. Erwin nanawagan ng mas mahigpit na tourism safety measures
NANAWAGAN si Sen. Erwin Tulfo ng mas mahigpit na tourism safety measures matapos ang mga naiulat na tensyon sa Siargao.
Ayon kay Tulfo, nagbukas ang sitwasyon sa Siargao ng mga usapin sa pagrereport ng mga insidente, police visibility at koordinasyon ng mga awtoridad at law enforcers.
Nakikipagtulungan ang regional office ng Department of Tourism sa lokal na pamahalaan para sa tourist code of conduct na unang ipatutupad sa Siargao at maaari ring gamitin sa iba pang destinasyon.
May mga insidenteng kinasasangkutan ng mga turista at residente na hindi lumilitaw sa rekord dahil kadalasan ay nauuwi sa aregluhan sa halip na mai-report sa pulisya o lokal na pamahalaan.
“The problem with these reports, hindi na rireport sa LGU, hindi na ni-report din sa police station. Kaya ini-encourage talaga namin kung ano yung mga incidents na mangyayari dito talaga sa General Luna na mag-rereport sa police station natin,” sabi ng isang lokal na opisyal ng General Luna.
Sinabi ni General Luna police chief Joseph Asedilla na may ilang insidente sa lugar na mas napapansin dahil sa mga lumabas sa social media.
Sinabi rin ng isang regional representative ng Department of Tourism na layunin ng panukalang code of conduct na suportahan ang isang “safe, respectful, and inclusive destination” at isulong ang responsableng asal ng mga turista.
Sinabi ni Tulfo na bukas ang Pilipinas sa mga turista ngunit inaasahan pa rin ang pagsunod sa batas at paggalang sa mga residente.

