Tulfo

Sen. Raffy: Mga kalsada dapat inspeksyunin

30 Views

MULING iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo ang kahalagahan ng kaligtasan ng mga pasahero.

Ayon sa kanya, kinakailangang magsagawa ng regular na inspeksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga terminal ng bus upang matiyak na ligtas sa kalsada ang mga sasakyang bumibiyahe.

Ipinahayag ni LTFRB Executive Director Robert Peig na kasalukuyang kulang sa tauhan ang kanilang ahensya dahilan kung bakit nahihirapan silang magsagawa ng madalas na inspeksyon.

“They should step out of their air-conditioned offices to witness the real situation of passengers and take action to prevent the operation of old and run-down buses,” sabi ng senador.

Ipinunto rin niya na hindi dapat kaligtaan ang pagsusuri sa mga pangunahing bahagi ng bus gaya ng gulong, sistema ng preno at mga fire extinguisher.

Sinang-ayunan ito ni Peig at sinabi niyang aatasan niya ang mga regional office personnel na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga terminal.

Dagdag pa ni Senador Tulfo, kailangang may mga guwardya sa bawat terminal na may hawak na handheld metal detectors upang masigurong walang makakalusot na armas o ipinagbabawal na bagay.

Nangako si Peig na makikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) upang palakasin ang monitoring sa kalagayan ng mga bus.

Ipinabatid rin niyang maglalabas sila ng memorandum para sa lahat ng tanggapan sa rehiyon at sentral upang ipatupad ang mga rekomendasyong inilahad ni Sen. Tulfo para sa kaligtasan at seguridad sa mga terminal at bus.