Calendar
Sen. Tulfo nabuking, sinita mga problema sa MRT, LRT
ISINIWALAT ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang sandamakmak na problemang nakita niya at ng kanyang Senate team sa ginawa nilang inspeksyon sa mga istasyon ng MRT at LRT.
Sa hearing ng komite, March 19, isa sa mga sinita ni Sen. Tulfo ang problema sa kakulangan ng Beep cards sa Ticket Vending Machines (TVMs). Dahil dito ay napipilitan daw ang commuters na bumili sa manual ticket counters na sanhi ng paghaba ng pila.
Nagdahilan si LRT Line 2 Transport Operations Service Chief Gil Monteclaro na mayroon daw kasing mga pasaherong nagho-hoard ng maramihang Beep cards kaya mabilis din daw maubos ang stock nito sa TVMs. Sinabihan siya ni Sen. Tulfo na kung nakita na niya ang problemang ito ay dapat nag-hire na sila ng taong magbabantay sa mga machine para maiwasan ang overbuying.
Dagdag pa ni Sen. Tulfo, may problema rin sa mga TVM na kadalasan ay barya lamang ang tinatanggap at dinedecline ang mga bagong perang polymer banknotes na ipinalabas ng Banko Sentral ng Pilipinas, na sanhi rin ng mahabang pila ng commuters sa cashier.
Dahil dito ay sinermunan ni Sen. Raffy sina Department of Transportation (DOTr) Asec. for Railways Jomar Lua at MRT-3 Station Division Chief Roda Espejo dahil pareho silang matagal na sa serbisyo pero hindi nila nagawang imonitor ang proper maintenance ng mga machine na ito.
Pinuna rin ni Sen. Tulfo ang kakulangan ng proper signages papunta sa mga connecting stations ng LRT at MRT, gaya na lamang sa MRT Cubao at LRT Cubao Stations na madalas ay naliligaw ang mga pasahero.
Gayundin, binanggit niya ang problema sa mga MRT at LRT stations na konektado sa malls tulad ng sa Cubao kung saan hindi nakakadaan sa mall connection kapag sarado pa ang mall. Kinakailangan pang umikot ng commuters na tumatawid sa LRT at MRT sa kalye na mainit, walang bubong at nakakalito. Binigyang-diin ni Sen. Tulfo na kailangang makipag-coordinate nila Asec. Lua at Espejo sa mall management para maayos ito.
Sinita rin ni Sen. Tulfo ang palpak na Public Address (PA) System ng MRT na mahirap intindihin dahil garalgal ang speaker. Sinabi niya kay Espejo na kung totoo ang sinasabi nitong regular siyang sumasakay sa MRT ay bakit literal na nabingi siya sa problemang ito?!
Inamin ni Espejo na madalas nga ay nagkakaproblema sila sa PA System pero palusot niya, naireport na raw niya ito sa kinauukulang departamento. Dito ay muli siyang nasermunan ni Sen. Tulfo dahil responsibilidad niya na i-follow up ang naging aksyon ng nasabing department ukol sa inireport niya nang sa gayon ay masigurong maaayos ito.
Sa huli, inobliga ni Sen. Tulfo sina Lua at Espejo na magsagawa ng regular inspection sa MRT at LRT stations para malutas ang lahat ng mga problema na nagpapasakit sa mga commuter.
Dagdag pa niya, kung hindi sila kikilos ay mapipilitan siyang makipag-usap kay DOTr Sec. Vince Dizon upang irekomendang sibakin ang mga opisyales na pumalpak sa kanilang tungkulin!