Calendar

Sen. Win: May pakinabang ba tayo sa K12?
NANAWAGAN si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa mga gumagawa ng polisiya sa edukasyon at sa publiko habang isinusulong ang reporma sa kurikulum ng Senior High School (SHS) na iparamdam ang mga pakinabang sa pagsasagawa ng K12.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang tuparin ang matagal ng pangako ng K-12 program–ang kahandaan sa trabaho at pagbawas sa taon ng kolehiyo na siyang dahilan kung bakit isinulong ang K12.
“Panahon na upang tuparin natin ang pangako ng senior high school program na magiging handa ang ating mga graduates para sa trabaho,” ani Gatchalian.
Ang kanyang pahayag bunga ng lumalawak na pagkadismaya ng publiko sa SHS track.
Ayon sa isang survey ng Pulse Asia noong Hunyo 2023, apat lamang sa bawat 10 Pilipino ang nasisiyahan sa programa.
Dahil dito, tumitindi ang panawagan ng mga mambabatas at tagapagturo para sa agarang reporma sa kurikulum na hindi nagdudulot ng pagbabago at kapakinabangan.
Ipinatupad ang SHS noong 2012 sa ilalim ng K-12 Law na may layuning bigyang-kakayahan ang mga estudyanteng Pilipino na makapagtrabaho agad pagkatapos ng high school o maging mas handa para sa kolehiyo.
Ngunit sa halip na matugunan ang mga layuning ito, maraming nagtapos ang hirap makahanap ng disenteng trabaho o hindi kinikilala ang academic credits nila sa kolehiyo kahit na nadagdagan pa ng dalawang taon ang kanilang pag-aaral.
“The reforms we will roll out should deliver these results,” ayon sa senador.
Hinimok niya ang mga mamamayan na makibahagi sa konsultasyon. “I urge the public to give their feedback to the proposed senior high school curriculum.
Gamitin natin ang pagkakataong ito upang matiyak na magiging epektibo ang mga reporma sa programa,” sabi ng senador.
Ang online consultation ng DepEd isinagawa mula Abril 4 hanggang 11 at bukas sa mga guro, estudyante, magulang at iba pang stakeholders.
Bilang co-chair ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang mga estruktural na reporma sa sistemang pang-edukasyon.
Pinangunahan niya ang pagpasa ng Excellence in Teacher Education Act at patuloy na itinutulak ang mas mahusay na ugnayan sa pagitan ng sekondarya at tersiyaryang antas ng edukasyon.
Ang paninindigan ni Gatchalian bahagi ng mas malawak na panawagan sa Kongreso para ayusin ang mga sistemikong problema sa SHS curriculum at sa implementasyon nito.