Calendar
Nagsagawa ng imbestigasyon si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson chairman of the Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigation (Blue Ribbon) kasama si Sen. Erwin Tulfo tungkol sa alegasyon na maanumalyang paggamit ng Letters of Authority (LOAs) ng mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Humarap sa pagdinig sina BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza at Finance Secretary Frederick Go nitong December 11,
2025. JOSEPH MUEGO
Senado di na palalawigin pag-abuso sa paggamit ng LOAs ng BIR
HINDI na papalawigin ang anumang pang-aabuso ng sangay ng gobyerno tulad ng BIR.
Bunga nito hiniling ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kay dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares na ipaliwanag ang proseso ng pag-audit sa mga taxpayer kasabay ng pagbusisi ng Senado sa alegasyon na ginagamit umano ang Letters of Authority (LOA) bilang paraan ng panggigipit upang mapag aralan kung papano ito matutuldukan.
“Give us a walk-through of the process… Is there a limit to the number of LOAs that may be issued to a particular individual or entity?” tanong ni Lacson.
Ayon kay Henares, mahalaga ang LOA dahil 98 porsiyento ng buwis ay nakokolekta nang kusang-loob at dalawang porsiyento lamang ang mula sa assessments. Binanggit niya ang pag-aaral na nagsasabing mahigit ₱1 trilyon ang hindi nakokolekta dahil sa tax evasion. Idinagdag pa niya na noong kanyang panahon, dalawang taon lamang puwedeng sunod-sunod na ma-audit ang isang taxpayer.
Pinuna naman ni Sen. Erwin Tulfo ang umano’y maling paggamit ng LOA at Mission Order (MO), na aniya’y nagiging paraan ng “harassment, coercion, and extortion.”
“Let me be clear: The purpose of the Letter of Authority and Mission Order is to ensure that taxes owed to the government are collected properly, transparently, and lawfully. This should not be used as a weapon of intimidation or an instrument of corruption,” sabi ni Tulfo. Dagdag pa niya, “If these allegations are true, then we are looking at systemic abuse that harms not only individual taxpayers but also the nation’s business climate and international reputation.”
Lumabas din na dalawang porsiyento lamang ng koleksiyong galing sa business sector ang mula sa LOA at MO, habang 98 porsiyento ay boluntaryong bayad.
Ibinahagi rin ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino ang lawak ng reklamo mula sa iba’t ibang grupo ng negosyante sa bansa. “Grabe po talagang ang complaints ng mga negosyante pagdating sa BIR at sa LOA… Yung mga LOA, yung mga assessment, walang basehan. Or kung masyadong mataas, ginagawang mataas para lang po mag-settle,” aniya.
Itinanong ni Aquino kung ilan ang naibigay na LOA. Tugon ni BIR Commissioner Charlie Mendoza: “For 2023, 62,462. In 2024, 75,510. And from January to October of this year, 82,145.”
Nagbabala rin si Aquino tungkol sa pekeng LOA: “Kung may natanggap na LOA na wala naman sa listahan ito, hindi ‘yon totoong LOA. May nag-i-scam sa inyo. And these fake LOAs might actually come from officials of BIR.”
Binigyang-diin din niya ang pangamba ng maliliit na negosyo. “Ang pakiramdam po kasi nila, wala silang matakbuhan… Sila po ‘yung pinaka-takot na takot kapag merong nangongorap po sa kanila,” aniya.
Sinabi ni Mendoza na sinuspinde ng BIR ang pag-isyu ng LOA at bumuo ng technical working group para sa reporma. “We commit to address these concerns,” aniya, at nagbukas sila ng espesyal na email para sa audit complaints.
Giit ni Aquino, mahalagang maramdaman ng mga negosyante na kakampi nila ang pamahalaan. “Mahalaga po na pakiramdam nila ang mga ahensiya ng gobyerno nasa panig nila,” aniya, at iginiit na dapat marinig ang mga negosyo sa susunod na pagdinig.

