Science

Senado inaprubahan pagpapalawak ng science HS, institutionalization ng lifelong learning

33 Views

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang dalawang mahalagang panukalang batas na layong palakasin ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang una ay ang Senate Bill No. 2974 o Expanded Philippine Science High School System Act na naglalayong pahintulutan ang pagtatayo ng hanggang dalawang Philippine Science High School (PSHS) campus sa bawat rehiyon, maliban sa National Capital Region na mayroon nang malaking kampus, at kabilang ang Negros Island Region na kasalukuyang walang PSHS campus.

Ayon kay Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri, sponsor ng panukala, ang kasalukuyang batas ay nagpapahintulot lamang ng isang PSHS campus kada administratibong rehiyon.

Ipinunto niya na simula 2022, mahigit 5,800 estudyanteng kwalipikado ang hindi nakapasok sa PSHS dahil sa kakulangan ng pasilidad. Layunin ng panukala na mas maraming kabataan ang makapag-aral sa larangan ng Agham, Teknolohiya, Inhenyeriya, at Matematika (STEM), at mapatatag ang sistema ng pamamahala ng mga kampus ng PSHS sa buong bansa.

Kasabay nito, inaprubahan rin ang Senate Bill No. 2960 o Lifelong Learning Development Framework (LLDF) Act na inakda ni Senator Joel Villanueva.

Layunin ng panukala na isulong ang tuluy-tuloy na pagkatuto sa pamamagitan ng isang pambansang plano, habang itinatakda ang mga Learning Cities at Municipalities na susuporta sa inobatibong edukasyon sa lokal na antas.

Inaamyendahan ng panukala ang Philippine Qualifications Framework (PQF) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng miyembro ng National Coordinating Council upang maisama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI).

Suportado rin ng panukala ang micro-credentialing, mga mekanismo ng paglilipat ng kasanayan, at alternatibong sertipikasyon.

Ang dalawang panukala ay layong tugunan ang lumalawak na pangangailangan ng bansa sa agham, teknolohiya, at patuloy na edukasyon ng mamamayan.