Jinggoy

Senate panel inindoroso panukalang evacuation centers sa bawat siyudad, munisipalidad

184 Views

ININDORSO na ng Senate Committee on National Defense and Security sa plenaryo ang panukalang batas na nag-uutos ng pagtatayo ng mga typhoon-resilient at earthquake-proof na evacuation centers sa lahat ng mga siyudad at munisipalidad sa bansa.

“Nais nating matiyak na ang mga itatayong evacuation centers ay matatag at magiging ligtas na silungan ng ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad,” pahayag ni Committee Chairperson Sen. Jinggoy Ejercito Estrada.

Binanggit ni Estrada ang isang pagsusuri na ginawa noong 2014 ng International Organization for Migration (IOM) at UNICEF, isang taon matapos ang super typhoon Yolanda, na nagpakita na walong porsyento lamang o 53 sa 643 na itinalagang evacuation centers sa Eastern Samar ang itinuring na magagamit, habang 166 ang nawasak at 415 ang lubhang napinsala.

“Ang malupit na pinsala sa mga evacuation center ay nagdulot ng pagkamatay ng marami dahil sa substandard na konstruksyon, matinding hangin at pag-apaw ng tubig. Ayaw po nating maulit ito,” sabi ng batikang mambabatas sa kanyang sponsorship speech.

Ang Senate Bill No. 2451 o ang panukalang “Ligtas Pinoy Centers Act” na nasa ilalim ng Committee Report No. 139 ay naglalayong maglagay ng permanente, matibay at may sapat na kagamitan na evacuation centers sa mga siyudad at munisipalidad sa bansa.

Ang panukalang batas ay nagtatakda din ng mga minimum na pamantayan para sa mga kinakailangang pasilidad at nararapat na kondisyon ng mga centers.

Ani Estrada, dapat ay nasa ligtas at madaling puntahan na lugar ang mga ito at kayang harapin ang mga super typhoon na may bilis na hangin na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at seismic activity na hindi bababa sa 8.0 magnitude.

Ipinag-uutos din ng panukalang batas ang paglalagay ng mga pasilidad tulad ng sleeping quarters, paliguan at palikuran, kitchen at food preparation, maging dining areas, health care station, women and child-friendly spaces, standby power para sa ilaw at operasyon ng mga medikal at communication equipment at iba pa upang matiyak ang makataong kondisyon ng pamumuhay para sa mga evacuees.

“Bukod sa pagsisiguro sa pagiging ligtas ng mga evacuation centers sa panahon ng kalamidad, dilubyo o public health crises, dapat rin na matiyak na disente ang pasilidad ng mga ito,” ani Estrada.

Ayon sa mga ulat, nasa 62 porsyento lamang ng local government units (LGUs) ang may evacuation centers na may minimum na pasilidad at maging ang pinaka-aktibong mga center ay limitado ang mga pasilidad, dahilan para hind maging kaaya-aya ang pamamalagi sa mga nangangailangan nag pansamantalang matutuluyan.

Ang isa pang mahalagang aspeto ng batas ay ang pagbibigay prayoridad sa pagtatatag ng Ligtas Pinoy Centers sa mga LGU na walang ganitong pasilidad, pangangailangan dahil madalas itong nakakaranas ng kalamidad o panganib at ang kahandaan nito sa pagtatayo ng center.

“Ang pamantayan sa pagbibigay ng prayoridad ay para maiwasan ang pagkakadoble at pag-aaksaya ng ating limitadong pondo. Kailangan po natin ng isang maayos na sistema na siyang tutukoy kung anong bayan ang siyang pinaka-nangangailangan at dapat unahing mabigyan ng suporta sa pagkakaroon ng sarili nilang evacuation centers,” paliwanag ni Estrada.

Ang mga LGU ang magiging responsable sa pagpapanatili, pagpapatakbo at pamamahala ng mga center at maaari rin itong maglagay ng mga alituntunun sa paggamit ng mga ito bilang mga civic center o multi-purpose na gusali kapag hindi ginagamit na evacuation center, aniya.

Ang panukalang batas ay kabilang sa mga isinusulong sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at binanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).

“Mahalaga na magkaroon tayo ng mga istrakturang ganito nang tayo ay maging handa sa panahon na dumating na ang tinatawag na Big One o kung kailan tatama ang isa pang Yolanda sa ating mga isla. Ang nakakalungkot po dito, ang mga mahihirap ang tinatamaan at ang palaging napupuruhan sa pagragasa ng mga kalamidad,” sabi ni Estrada.