Calendar

Senior citizens sa Maynila nganga sa pensyon nitong Hunyo
NABABAHALA na ang mga senior citizen sa Lungsod ng Maynila sa pagka-antala ng kanilang pensiyon na dapat ay matatanggap na nila ngayong buwan ng Hunyo.
Sa kabila ng pag-aalala, pinanghahawakan pa rin ng mga senior citizen ang pangako ni Mayor Honey Lacuna na tuwing ikaltong buwan ng taon ay matatanggap ng mga lolo at lola ang P3,000 pensiyon na kumakatawan sa P1,000 kada buwan mula sa dating P500.
Noong nakaraang Marso bago pa man ang pagsisimula ng kampanya ng lokal na kandidato para sa 2025 mid-term election, natanggap na ng mga senior citizen ang P3,000 pensiyon para sa buwan ng Enero hanggang Marso kaya’t hinihintay nila ngayon ang susunod na matatanggap para naman sa buwan ng Abril hanggang Hunyo.
Nauna ng nagpahayag ng pagkabahala ang Local Governance Transition Team (LGTT) ni Mayor Isko Moreno sa posibleng malaking problema na kaharapin ng mauupong alkalde bunga ng napakaraming obligayong mamanahin lalu na sa mga suppliers.
Nakadagdag pa rito ang paglobo umano ng bilang ng mga kinuhang job order (JO) employees kaya’t umabot sa P1.4 bilyon ang dapat na ilaang pondo para lang sa kanilang sahod na bukod pa sa P7.1 bilyong pisong hindi nababayarang obligasyon na mas mataas ng 40% kumpara noong nagdaang taon na karamihan ay utang sa mga suppliers.
Iniulat din ng LGTT ang nakakabahala umanong pagnipis ng reserbang salapi ng lokal na pamahalaan na mula P16.3 bilyon noong 2020, lumiit na ito sa P7.3 bilyon nitong Marso 2025 na katumbas ng P55% pagbaba.
Bunga nito, hindi maalis sa mga senior citizen ang pag-aalala na baka tuluyang maantala ang kanilang pensiyon lalu na’t lumobo sa P1.2 bilyon kada taon ang kailangan para lamang sa kanilang dinobleng pensiyon kada buwan na ipinamamahagi tuwing ikatlong buwan ng isang buong taon.