Edd Reyes

Seniors kailangan ng digital literacy

Edd Reyes Nov 27, 2024
8 Views

SA nakaraang pagdinig nga nitong Lunes, inamin ni dating DepEd disbursing officer Edward Fajarda at OVP special disbursing officer Gina Acosta ang pag-encash sa bangko ng milyon-milyong halaga ng confidential funds.

Pero wala raw silang alam kung papaano ito ginastos dahil sa utos daw ni VP Sara, ipinaubaya nila ito sa security officers na sina Col. Dennis Nolasco ng DepEd at Col. Raymund Lachica na hepe ng Security and Protection Group ng bise presidente.

Sabi ng dalawa, ang dalawang opisyal ang nakakaalam kung papaano gagastusin ang confidential fund at dahil may tiwala raw si VP Sara sa mga ito, pinagtiwalaan na rin nila.

Kaya lang, nang gisahin ng husto ni Batangas Rep. Jinky Bitrics Luistro si Acosta kung alam ba niya ang kanyang responsibilidad bilang disbursing officer at kung sino ang mananagot kung may nangyaring hindi maganda sa salapi, inamin niya na siya ang may pananagutan.

Binanggit din ni Luistro ang umiiral na batas na hindi puwedeng ipasa ng disbursing officer ang kanilang trabaho kahit kanino kaya sa kalaunan, sumama na pakiramdam ni Acosta kaya ipinasiya siyang isugod na sa pagamutan.

Ang pagsama ng pakiramdam ni Acosta, kung pagbabatayan ang sabi ng mga health expert, ay posibleng sanhi ng labis na pagkabalisa, pag-iisip, at pag-aalala, dahil kahit ano pang pangangatuwiran, tiyak na swak sila sa paglabag sa umiiral na batas.

Digital literacy kailangan ng mga seniors para hindi ma-scam

MAY punto si Navotas Congressman Toby Tiangco sa pagigiit na isama sa programang maturuan ng makabagong teknolohiya ang mga senior citizen para hindi malinlang.

Sabi ng Rep. Tiangco, Chair ng Information and Communication Technology ng Kamara, may libreng pagsasanay at workshop ang DICT para maging bihasa sa makabagong teknolohiya pero marami ang hindi nakakaalam na may ganitong programa.

Dapat daw ay bigyang prayoridad ng DICT na tulungan ang mga seniors na maging maalam sa paggamit ng digital platforms para sa komunikasyon at transaksiyon para hindi maloko lalu’t sila ang madalas targetin ng mga scammers.

Alam kasi ng kongresista kung paanong ginagamit ng mga scammers ang teknolohiya para makapanloko sa online kaya dapat dapat daw ay bigyang prayoridad ang pagtuturo sa mga seniors.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].