Calendar
Shearline sa Bicol at Cebu , 4 patay
APAT katao ang nasawi dahil sa landslide at pagbaha sa Bicol at Cebu dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng shearline o pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense o OCD Region 5, isang ginang ang nasawi sa landslide sa Barangay Anemeam, Labo, Camarines Norte habang sugatan naman ang mister nito.
Natagpuan din nitong Lunes ng umaga ang bangkay ng dalawang senior citizen na inanod sa spillway sa bayan ng Cabusao, Camarines Sur.
Ayon kay OCD Region 5 Director Claudio Yucot, umabot hanggang leeg ang baha sa Barangay Bulabog, sa Sorsogon.
Bumaha din sa bayan ng del Gallego sa Camarines Sur habang nagkaroon naman ng pagguho ng lupa at mga bato sa Catanduanes.
Sa ngayon, patuloy ang clearing operation sa mga lugar na naapektuhan ng baha at landslide.
Samantala sa Cebu City, isang 47-anyos na babae ang nasawi makaraang madaganan ng gumuhong pader ng kanilang bahay sa Sitio Calma, Barangay Tisa sa nasabing lungsod.
Batay sa ulat ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, (DRRMO) nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang kanyang asawa nang biglang gumuho ang pader sa gilid ng kanilang bahay at madaganan ang mga ito.
Umabot ng pitong oras bago nakuha ang mag-asawa mula sa gumuhong bahay at isinugod sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay ang ginang.
Napag-alaman na ang lugar kung saan naganap ang insidente ay malapit sa creek kaya naman inilikas na ang apat pang pamilya na nakatira sa lugar upang maiwasan ang mas malalang trahedya.
Samantala, sa Albay, nailigtas ang dalawang lalaki na inanod ng malakas na agos sa Kamanitohang river.
Batay sa ulat ng Manito Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office o MDRRMO, ang mga biktima ay nasa 30-taong gulang at kasalukuyang nagpapagaling na sa pagamutan.
Inabot din sa dalawang oras ang ginawang rescue operation dahil narin sa patuloy ang pagbuhos ng ulan at madulas na daan.