Calendar
SHS undergrad nagbenta ng shabu sa poseur-buyer, tiklo
NAKALAWIT ng mga pulis ang 20-anyos na senior high school undergraduate matapos pagbentahan ng mahigit P200,000 halaga ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer noong Miyerkules sa Taguig City.
Saktong tinanggap ni alyas Angelo ang markadong P5,500 buy-bust money sa police poseur-buyer nang dakmain siya ng mga tauhan ni P/Capt. Kenny Khamar Khayad, hepe ng Taguig Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dakong alas-10:05 ng gabi sa Panday Pira, Riverside Extension, Brgy. West Rembo.
Sa ulat kay Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo, nakumpiska ng mga tauhan ng SDEU kay alyas Angelo ang humigit kumulang sa 30.12 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P204,816.00, 1.49 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P178.80 at ang mga markadong salap.
Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSg. Alexander Dalisay na hindi na nagpatuloy ng pag-aaral ang suspek nang matuklasan na malaki ang ganansiya kahit mapanganib ang pagbebenta ng ilegal na droga.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang binata upang alamin kung sino ang supplier niya ng ibinebentang shabu at marijuana habang inihahanda na rin ang paghahain ng kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) laban sa kanya sa Taguig City Prosecutor’s Office.