bro marianito

Si Hesus ang dakilang tagapagtanggol

286 Views

Ang ating Panginoong Hesu-Kristo ang kauna-unahang biktima ng kawalang katarungan (Marcos 14:60-64)

MARAMI sa mga nakabilanggo ang masasabi natin na kaya lamang nakulong ay dahil biktima sila ng masamang pagkakataon at umiiral na “injustice” o ang kawalan ng katarungan sa ating lipunan.

Ang ating Panginoong HesuKristo na siguro ang kauna-unahang naging biktima ng kawalang katarungan na umiiral noong siya ay narito pa sa ibabaw ng lupa.

Dahil hindi lamang siya pinagkaitan ng hustisya para ipagtanggol ang kaniyang mga gawain bilang sinugo ng Diyos Ama.
Kundi inakusahan pa siya kahit walang matibay na basehan laban sa kaniya.

Maliban dito, ang pagtataksil sa kaniya ni Judas Iscariote, pagtatwa ni Simeon Pedro ng talong beses at pag-abandona sa kaniya ng kaniyang mga Disipulo ay bahagi ng kawalang katarungan na naranasan ni Kristo.

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 14:60-65) matutunghayan kung paano nilibak ang Panginoong Jesus sa harap ng Sanedrin at pinagkaitan ng hustisya ng pinakapunong Pari sa pagsasabing kakailanganin pa ba ng mga saksi laban kay Kristo?

Pagkatapos nito ay nagkaisa ang lahat ng mga naroroon sa Sanedrin na hatulan ng kamatayan si Jesus kaya siya’y sinimulan nilang pahirapan, duraan, pinagsusuntok at kutyain.

Marami sa kasakukuyan ang katulad ni HesuKristo na biktima ng inhustisya sa ating lipunan dahil sa kakapusan sa pananalapi para makakuha ng mahusay na abogado na magtatanggol sa kanila.

Ang masakit nito, ang mga taong masalapi lamang ang nakakakuha ng de-kampanilyang Tagapagtanggol.

Kaya sila ay napapawalang sala, samantalang ang mga mahihirap naman ang nasesentensiyahan kahit ang ilan sa kanila ay walang sala at inosente.

Ang Panginoong Jesus ang “Hukom ng Sangkatauhan” subalit tinanggap niyang litisin ng mga Hukom na hindi makatarungan na noong una pa man ay layunin na talaga nilang ipapatay siya. Si Jesus ang tanging walang sala sa daigdig.

Ngunit pinili ni Kristo ang magsawalang kibo sa mga hindi makatarungang pag-akusa sa kaniya ng mga tao sa Sanedrin.

Nais ipaalaala ng Ebanghelyo na maging sa kasakuyan ay patuloy parin ang walang katarungang paglilitis sa bawat paghatol.

Kung saan, pinarurusahan ang mga taong walang sala at pinalalaya naman ang mga taong totoong may sala na naglalarawan sa sitwasyong nabasa
natin sa Ebanghelyo.
Manalangin Tayo:

Panginoong Hesus, tulungan mo sana ang mga taong walang kakayahang maipagtanggol ang kanilang sarili dahil sa kanilang kahirapan at mga taong walang tinig sa lipunan.

Nawa’y patnubayan mo ang mga taong ito na nagdurusa dahil wala silang inaasahan kundi ang iyong awa at tulong.

AMEN