bro marianito

Si Hesus ang Tinapay ng Buhay

983 Views

Si Jesus ang magpapatighaw sa ating pagka-gutom at pagka-uhaw (Juan 6:35-40)

“Sinabi ni Jesus. “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman”. (Juan 6:35 – Magandang Balita Biblia)

MARAHIL karamihan sa atin ay labis na kinamumuhian at walang amor para sa mga taong kasalukuyang nakakulong sa iba’t-ibang piitan na kung tawagin natin ay mga “bilanggo” dahil sa iba’t-ibang klase ng krimen na kinasangkutan nila.

Ang pagtingin sa kanila ng mapanuring mamamayan ay mga taong wala ng pag-asa, patapon at salot sa lipunan. Kaya nararapat lamang na sila’y mabulok sa bilangguan.

Bansagan man natin sila bilang pinaka-masamang tao na nabuhay dito sa ibabaw ng mundo. Ituring man natin ang mga taong ito na mas masahol pa sa isang hayop na nilikha ng Diyos. Dahil sa iba’t-ibang kabuktutang kinasangkutan nila

Ngunit sa bandang huli, ang mga taong ito na kinasusuklaman natin ay mga taong nagugutom at nauuhaw sa pag-ibig ng ating Panginoong Jesus dahil si Kristo ang “Tinapay ng Buhay”. Kung nakilala lamang sana nila ang Panginoon ng maaga, hindi sana sila nasadlak sa putikan.

Ganito ang mensahe ng Ebanghelyo (Juan 6:35-40) nang wikain ni Jesus na siya ang tinapay na nagbibigay-buhay at ang lumalapit sa kaniya ay hindi na magugutom kailanqman.

Inaanyayahan tayo ngayon ni Kristo na lumapit sa kaniya at tanggapin siya sa ating buhay bilang Panginoon at tagapagligtas. Sapagkat siya lamang ang maaaring magligtas sa atin at magtamo ng Buhay na walang Hanggan.

Winika ni Jesus na ang lumapit sa kaniya ay hindi na magugutom. Ito ang tinatawag na “spiritual hunger”. Maaaring inaakala natin lahat na kapag nakamit na natin ang lahat ng bagay dito sa ibabaw ng mundo ay maituturing na natin itong tagumpay

Inakala natin na matagumpay na tayo sa buhay dahil sa ating karangyaan at kayamanan. Maaaring sinasabi natin sa ating mga sarili na ano pa ba ang ating nanaisin. Subalit ang hindi natin alam ay hindi pa tayo busog at sa katunayan tayo’y mga gutom.

Hindi ang mga kayamanang pag-aari natin ang tunay na magpapabusog sa atin. Makamtan man natin ang lahat ng material na bagay at ari-arian dito sa mundo kung nagugutom naman ang ating kaluluwa o espiritu.

Makakaramdam kaya tayo ng pagkabusog? Maililigtas kaya tayo ng ating kayamanan sakaling bawiin na ng Diyos ang ating hiram na buhay? Ang makapagliligtas lamang sa atin ay si Jesus.

Minsan sa buhay ng mga naka-bilanggo ngayon, hinangad din nilang guminhawa sa buhay dahil sa labis na kahirapan. Inakala nilang kapag nagka-pera na sila’y makakaramdam na ng kabusugan ang kumakalam nilang sikmura.

Subalit saan nga ba sila dinala ng sobrang paghahangad sa mga bagay na inaalok ng mundong ito? Mapasa-atin man ang lahat-lahat ng bagay mula sa salapi hanggang sa material na bagay. Hindi pa rin tayo makakaramdam ng kabusugan.

Mapapawi lamang ang ating gutom kung si Jesus ang ituturing natin na totoong kayamanan. Sa pamamamitan ng malalim na pananampalataya natin sa kaniya. Sapagkat si Jesus ang magpapabusog ng ating kaluluwa.

Gayundin naman ang ating pagkauhaw, uhaw tayo sa pag-ibig ng Panginoong Diyos. Dahil masyado tayong naging abala at aligaga buong buhay natin kung paano pa natin pararamihin at pauunlarin ang ating mga kayamanan. Samantalang uhaw na uhaw naman ang ating kaluluwa o “spiritual thirst”.

Si Jesus ang magpapatighaw sa ating pagka-uhaw kung pagninilayan natin ang pag-aalay niya ng kaniyang buhay para iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Nagbubo siya ng dugo upang huwag tayong mabulid sa impiyerno.

Ang katawan at dugo ni JesuKristo ang totoong pagkain na magpapatighaw sa ating gutom at pagka-uhaw. Makakamit lamang natin ito kung sisimulan nating magbalik loob sa kaniya.

Ang Pagbasa ngayong araw ay isang maliwanag na pagpapatotoo na mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng pagsugo niya sa kaniyang bugtong na Anak (Katawan at Dugo) upang mapatawag tayo sa ating mga kasalanan.

AMEN